Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vic Sotto praises Maine Mendoza’s songwriting: ‘Alam mong galing sa puso’


Ipinasilip na kamakailan lamang sa “Eat Bulaga!” ang kantang isinulat ng Kalyeserye sweetheart at “Eat Bulaga!” host na si Maine Mendoza para sa pelikulang pagbibidahan nila ng Pambansang Bae na si Alden Richards, na inaasahang ipapalabas ngayong taon kasabay ng kanilang unang anibersaryo bilang on-screen loveteam.

Ayon sa batikang host at komedyanteng si Vic Sotto sa isang press conference nitong Lunes, siya raw ang maglalapat ng musika sa lyrics na gawa ng dalaga.

Ibinalita niya rin na si Maine mismo ang aawit ng theme song para sa kauna-unahang solo movie nila ni Alden.

“Kung ano ‘yung title ng pelikula, ‘yun din ang title. Si Maine mismo ang sumulat ng letra. Nilalapatan ko lang ng musika. Sana mabigyan ko ng justice ang ganda ng lyrics. Kumpleto na. Sinusunod ko lang ang lyrics ni Maine. Wala akong babaguhin. Siya rin ang kakanta,” aniya.

Masaya raw si Bossing na mabigyan muli ng pagkakataong magamit ang kaniyang talento sa musika gaya ng ginagawa niya noon.

Paliwanag ng “Eat Bulaga!” host, “Matagal-tagal na akong hindi gumagawa. I don’t even remember the last song I wrote. Ngayon, bumabalik ulit ‘yung nananalaytay sa dugo kong pagsulat ng kanta. Masarap talaga sa pakiramdam.”

 

 

‘Galing sa puso’

Hindi naman naitago ni Bossing ang kaniyang paghanga sa talento ni Maine sa pagsusulat ng kanta.

Aniya, ramdam na ramda niya ang emosyong kalakip ng letrang isinulat ng dalaga para sa pagbibidahan niyang pelikula.

Kuwento ng Kapuso host-comedian, “Napakaganda ng letra. Alam mong galing sa puso niya. Hindi basta ginawa lang dahil may pelikula at kailangan ng theme song. Hindi ganoon. May pinanggagalingan. Alam mong galing sa puso. Talagang totoo.”

“Unang basa ko pa lang, bilib na ako. Magaling siyang sumulat. Magaling siyang maglabas ng kaniyang saloobin,” dagdag pa ni Bossing.

Naniniwala raw siya na labis na ikatutuwa ng AlDub Nation ang inihandang sorpresa nina Alden at Maine para sa kanilang unang anibersaryo bilang on-screen loveteam ngayong darating na Hulyo.

Matatandaang lumipad papuntang Italy ang dalawa nitong Mayo para sa shooting ng kanilang pelikula, at tuloy-tuloy nga ang pagbuo nila dito kasama ang iba’t ibang naglalakihang artista ngayong nakabalik na sila sa bansa.

Ayon ka Bossing, “I don’t think nalalaos na sila or anything. Wish lang siguro ‘yun ng mga inggit. At saka ‘yung mga fans nila, hindi na magbabago. Maaaring madagdagan, pero I don’t think na mababawasan.”

“Doon lang sa mga nagdo-donate sa ‘Isang Lapis, Isang Papel’ project namin, iba-ibang fans club lang nila ‘yun, eh. Sa tingin ko, nadadagdagan pa. Nabawasan lang siguro ang ingay dahil mag-iisang taon na. Kaya ‘yung pasabog sa first anniversary ang dapat abangan,” pagtatapos niya.

Kabilang ang “Eat Bulaga!” host sa mga bibida sa pinakabagong Kapuso comedy series na “Hay Bahay!” kasama sina AiAi Delas Alas, Jose Manalo, Wally Bayola, Oyo Boy Sotto, Kristine Hermosa, at Ruby Rodriguez.

Mapapanood na ang “Hay Bahay!” simula ngayong Linggo, June 19, pagkatapos ng “24 Oras Weekend.” — RSJ, GMA News