Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera receives recognition for being a breastfeeding advocate


Ipinagmamalaki ng Kapuso Primetime Queen at proud hands-on mom na si Marian Rivera ang higit sa isang taon niyang pagpapa-breastfeed niya kay Maria Letizia, ang panganay na anak nila ng Kapuso Primetime King at “Alyas Robin Hood” star na si Dingdong Dantes.

Nitong Miyerkules lamang, ipinagdiwang ni Baby Zia ang kaniyang unang kaarawan kasama ang mga kapamilya at ang mga ninong at ninang niya.

Dahil sa pagiging inspirasyon sa mga nanay at panghihikayat sa kanila na mag-breastfeed para sa ikabubuti ng kanilang mga anak, iginawad sa Kapuso actress nitong nakaraang linggo ang Breastfeeding Influencer and Advocate Award mula sa Mother and Child Nurses Association of the Philippines.

Sa pamamagitan ng isang Instagram post, ipinahatid ni Marian ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng mga sumuporta sa kaniya mula nang naging isa siyang ina.

Aniya, walang kapantay na parangal o matataas na ratings mula sa 13 taon niyang pag-aartista ang kaligayahan na dulot ng pagiging isang maybahay.

“Akala ko noon, na ang mga ratings ng programa, awards, o endorsement ay ang kasukatan para maging busog ang iyong bulsa, at magkaroon ka ng self-fulfillment. Pero hindi lang pala iyon.

“Lahat nagbago noong magkaroon ako ng asawa, lalo na nang magkaroon ako ng anak. Walang kahit anong uri ng trabaho, salapi, o material na bagay ang makakapantay sa ligaya at kapayapaan na bigay ng isang anak—busog na busog ang aking kaluluwa,” pahayag ng aktres.

Mula nang ipagbuntis niya umano si Zia, ipinangako na ni Marian sa kaniyang sarili na magiging matiyaga siya sa pagpapa-breastfeed sa kaniyang anak kahit na anomang hirap o sakit ang maaari niyang pagdaanan.

Inihalintulad niya ang lakas kaniyang loob sa tapang ng ilan sa iconic characters na kaniyang binigyang-buhay.

Ayon kay Marian, “Siguro tulad ni Darna, Dyesebel, Marimar, at Amaya, naging matapang ako na harapin ang pinakamalaking pagsubok na ito—pagsubok sa tunay na buhay na makapagbigay ng gatas sa aking anak. At totoo nga. Mahirap. Masakit. Maraming sacrifices—personal man o sa career. Pero dahil sa pagmamahal ko sa anak ko, na higit pa sa pagmamahal ko sa aking sarili—ginawa ko! Nagawa ko! At patuloy ko pang gagawin!”

Sa ngayon, 369 na araw na ang lumipas mula nang ipanganak si Zia, at patuloy pa rin si Marian sa pagpupursigi na mapa-breastfeed ito.

Nais niya umanong maging inspirasyon sa mga bagong nanay na nais ring mapa-breastfeed ang kani-kanilang mga anak.

“Hindi ko magagawa to kung wala ang tulong ng mga mahalagang tao kagaya ni Joyce @joyzrnmsnclcibclc, aking Mama, ang aking Biyenan, at ang aking asawa. Totoong kailangan ang "support group" para padaliin ang tungkulin natin bilang mga Nanay,” aniya.

Pagtatapos ng Kapuso actress, “At dahil sa suportang natanggap ko at sa inspirasiyon na nakuha ko- gusto ko rin magsilbing inspirasiyon sa mga bagong Nanay na nagbabalak mag breastfeed.  Ang blessing na natanggap ko ay gusto kong ibalik sa inyo. Dahil naniniwala ako na nasa determinasiyon ang lahat, pagpupursigi, suporta ng mga mahal sa buhay, at higit sa lahat, ang walang kapantay na commitment at pagmamahal natin sa ating mga anak. YAN ang FORMULA na kailangan!”

Inialay rin ni Marian ang parangal na natanggap sa nag-iisang anak nila ni Dingdong.

 

Mahigit 13 years na ako sa industria ng pagaartista. Sa lahat ng napagdaanan ko, sa lahat ng mga biyayang nabigay sa akin- nagpapasalamat ako. Bukod sa may marangal akong trabaho, doon ko nakilala ang aking naging asawa. At akala ko noon, na ang mga ratings ng programa, awards, o endorsement ay ang kasukatan para maging busog ang iyong bulsa, at magkaroon ka ng self-fulfillment. Pero hindi lang pala iyon. Lahat nagbago noong magkaroon ako ng asawa, lalu na nang magkaroon ako ng anak. Walang kahit anung uri ng trabaho, salapi, o material na bagay ang makakapantay sa ligaya at kapayapaan na bigay ng isang anak- busog na busog ang aking kaluluwa. Mas naging makahulugan pa ang aking pagiging Nanay dahil kahit noong nagbubuntis ako, sabi ko sa sarili ko "kahit anung mangyari, ang gusto ko ay sa akin siya kukuha ng gatas niya". Naririnig ko noon na mahirap. Masakit. Nakakapang-hina...pero hindi ako natakot. Siguro tulad ni Darna, Dyesebel, Marimar, at Amaya, naging matapang ako na harapin ang pinakamalaking pagsubok na ito- pagsubok sa tunay na buhay na makapagbigay ng gatas sa aking anak. At totoo nga. Mahirap. Masakit. Maraming sacrifices- personal man o sa career. Pero dahil sa pagmamahal ko sa anak ko, na higit pa sa pagmamahal ko sa aking sarili- ginawal ko! Nagawa ko! At patuloy ko pang gagawin! As of today, 368 days na akong nagpapa-dede. Hindi ko magagawa to kung wala ang tulong ng mga mahalagang tao kagaya ni Joyce @joyzrnmsnclcibclc aking Mama, ang aking Biyenan, at ang aking asawa. Totoong kailangan ang "support group" para padaliin ang tungkulin natin bilang mga Nanay. At dahil sa supportang natanggap ko at sa inspirasiyon na nakuha ko- gusto ko rin magsilbing inspirasiyon sa mga bagong Nanay na nagbabalak mag breastfeed. Ang blessing na natanggap ko ay gusto kong ibalik sa inyo. Dahil naniniwala ako na nasa determinasiyon ang lahat, pagpupursige, supporta ng mga mahal sa buhay, at higit sa lahat- ang walang kapantay na commitment at pagmamahal natin sa ating mga anak. YAN ang FORMULA na kailangan! Zia- this is for you! ??

A photo posted by Marian Rivera Gracia Dantes (@therealmarian) on

 

Proud husband naman ang Kapuso Primetime King, na kasama ni Marian na tumanggap ng parangal nitong nakaraang linggo.

“I am so proud of my wife for being able to fulfill her personal commitment of breastfeeding our baby 'til this very day...Your 'support group' will always be behind you to boost your drive, 100 percent! Maraming salamat sa iyo. Swabe ka, mahal ko,” ayon kay Dingdong.

 

Nitong nakaraang linggo rin, natanggap ni Marian ang isang painting mula kay Dingdong, na labis ang pasasalamat sa lahat ng isinakripisyo ng kaniyang asawa para sa kanilang pamilya.

Ibinigay ng Kapuso actor ang nasabing regalo kasabay ng simpleng pagdiriwang ng mag-anak sa Tagaytay para sa kaarawan ni Baby Zia.

"'Hinding- hindi ko nakakalimutan ang sakripisyo mo para sa anak natin. I am so proud of you! I appreciate your efforts very much!' — Iyan ang litanya ng asawa ko bago niya ibinigay ang painting na 'yan sa akin kanina lang pagkauwi namin from Tagaytay," kuwento ng aktres.

Mensahe niya para sa asawa, "Mahal, salamat sa regalong ito. Sobrang naanting mo ako. Haaay ang sarap mabuhay na kasama kayong dalawa! Thank you LORD."

 

— Bianca Rose Dabu/BM, GMA News

LOADING CONTENT