Kilala sa pagkakaroon ng walong anak sa pamamagitan ng surrogacy, inilahad ng negosyante at "The Lord of Scents" na si Joel Cruz na halos P54 milyon ang kaniyang ginastos para sa proseso.

Sa "Tunay Na Buhay," muling ipinakilala ni Joel ang walo na niya ngayong anak: Sina Prince Sean at Princess Synn na ipinanganak noong 2012; Prince Harry at Prince Harvey; Charles at Charlotte; at Zeid at Ziv Cruz.

Pero bago nito, hindi pinangarap noon ni Joel na magkaroon ng maraming anak.

"Noong una kasi, gusto ko isa o dalawang bata lang, boy and girl. But noong lumalaki na sila, ini-enjoy ko talaga 'yung mga bata. Happy na happy ako sa kanila. So noong lumaki na itong sina Prince at Princess 'yung anak ko, magdadagdag din ako," sabi ni Joel, na lumaki rin na may pitong kapatid.

Sinagot ni Joel ang tanong kung may plano siyang dagdagan pa ang walo niyang anak.

"Siguro sa ngayon talaga wala muna. Meron pa naman kasi akong preserved na sperm cells doon sa Russia," sagot ni Joel.

Dahil nanggaling sa isang surrogate mother ang kaniyang mga anak, tiniyak ni Joel na biological siblings silang lahat.

Inihayag ni Joel na nagtatanong din ang kaniyang mga anak tungkol sa kanilang ina na si Lilia.

"Yes nagtatanong sila. They know na nasa Russia. I'm always telling them that 'yung mom nila, kasi may family 'yung mom nila."

Papayagan daw ni Joel na makilala ng kaniyang mga anak ang kanilang surrogate mother.

"Of course. Wala naman akong tinatago sa kanila, kasi like this, alam na naman nila 'yung story ng buhay namin, buhay nila, kaya open naman ako sa kanila," sabi ni Joel. —LBG, GMA News