ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Mr. Fu, humingi ng tawad kay Ruffa Gutierrez
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Humingi ng tawad sa pamamagitan ng text message ang isa sa mga host ng showbiz talk show ng TV5 na si Mr. Fu kay Ruffa Gutierrez pagkatapos nitong mabasa ang tweets ng aktres nitong Sabado, Hunyo 23, 2012.
“I texted her immediately. I said, ‘Matagal na ‘yung segment na ‘yun and I do not intend to ruin your birthday.’ Parang ‘I’m very sorry if you get offended,'” pahayag ni Mr. Fu.
Gayunpaman, wala raw siyang natanggap na reply mula sa aktres.
Nagulat daw si Mr. Fu sa mga naging reaksyon ni Ruffa Gutierrez sa kanyang Twitter account, isang social networking site.
Aniya, “Ako, I am very sorry to Ms. Ruffa that she got offended. Kasi, wala talaga kaming masamang intensiyon na sirain ang birthday niya.”
Pinabulaanan din ni Mr. Fu ang pagtatanong nito ng mga bastos na tanong kay Ruffa Gutierrez sa kanilang episode sa Paparazzi nitong Sabado, sa ulat ni Rose Garcia ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph).
“For the record, wala akong binanggit na foul term doon sa bulong—‘yung binulong kong tanong kay Ms. Ruffa," saad niya.
Dagdag pa nito, pang-apat na beses na raw nilang inilunsad ang "naughty" segment na “Bulong Ng Palad” sa kanilang show na Paparazzi.
Bagama't ang mga guest nila ang tinatanong sa segment ng naturang palabas, napag-isipan daw ng staff at mga manunulat na si Ruffa ang ilagay sa hot seat dahil kaarawan naman nito.
Bukod dito, nagkasama naman bilang mga host ng katatapos na Miss World Philippines 2012 nitong Linngo sina Ruffa at Mr. Fu. Gayunpaman, sinabi nitong hindi sila nagkitang dalawa sa naturang event, bagkus nasa iisang lugar lang sila.
Maliban dito, tinanong din sa ulat ng PEP.ph kung may plano ba itong lapitan o puntahan si Ruffa noong oras na ‘yun.
Ayon kay Mr. Fu, “Medyo mainit pa. Ako kasi, gusto ko siyang lapitan o puntahan. Kaya lang, baka naman I’m pushing it too much. Baka hindi pa naman."
Nalulungkot naman ang mga host ng naturang palabas ayon kay Mr. Fu dahil sa naging pahayag ni Ruffa sa kanyang Twitter account na hindi na siya babalik bilang host sa naturang palabas.
Aniya, "Malungkot kami dahil sa naging desisyon niya. Pero wala naman kaming magagawa kung ‘yun ang gusto niya talaga. Pero sana lang, kung aalis man siya, maging maayos pa rin ang samahan namin. Na walang bad blood." – Mac Macapendeg, GMA News and Pep.ph
More Videos
Most Popular