ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jose Manalo, lusot sa reklamong isinampa ng asawang si Anna Lyn


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ibinasura ng Office of the City Prosecutor ng San Juan City ang reklamong paglabag umano sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 na isinampa laban sa Eat Bulaga host na si Jose Manalo. Ang reklamo laban kay Jose ay isinampa mismo ng kanyang asawa na si Anna Lyn Manalo noong Pebrero 2012. Sa ulat ni Gorgy Rula na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Matres, sinabing nakasaad sa resolusyon na piskalya ng San Juan na may petsang June 22, 2012, na wala umanong nakitang sapat na dahilan ang investigating panel para iakyat sa korte ang reklamo ni Anna Lyn. Alinsunod sa Republic Act No. 9262, hindi rin umano maikukunsiderang "physical, psychological, sexual or economic abuse" ang mga paratang ni Anna Lyn laban kay Jose. Kinatigan din umano ng piskal ang mga ipinakitang katibayan ni Jose na hindi nito inabandona ang kanyang pamilya at sa halip ay patuloy niya itong sinusuportahan. Bukod dito, nakasaad pa sa desisyon na wala rin umanong sapat na katibayan na naipakita si Anna Lyn para patunayan na may iba nang kinakasama ang host-comedian. Kasabay nito, inirokemanda ng Prosecutor Office na sumangguni sa marriage counseling ang mag-asawa upang maayos ang kanilang problema sa halip na mademandahan. Ayon kay Atty. Richard Leonard Cruz, abogado ni Jose, handa raw sumunod ang kanyang kliyente sa rekomendasyon ng piskalya. Gayunman, hindi rin daw inaalis ni Jose ang posibilidad na maaring iapela ng kampo ni Anna Lyn ang desisyon ng piskalya. Hinihintay naman umano ng PEP ang reaksiyon ng kampo ni Anna Lyn tungkol sa pagkakabasura ng kanyang reklamo laban sa mister. - FRJ, GMA News

Tags: josemanalo