ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Kristoffer Martin on his Golden Screen best supporting actor award: 'Hindi lang para sa akin 'to... sa atin 'to.'
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Hindi itinatago ni Kristoffer Martin ang kanyang halu-halong emosyon sa pagiging nominee pa lamang niya bilang Best Supporting Actor para sa ginawa niyang indie film na Gayak sa katatapos na 10th Golden Screen Awards for Movies.
Nang makita pa lamang ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kristoffer sa special tribue show na 50 Years with the Master Showman sa Resorts World noong April 24, hindi na ito nahihiyang magsabi na kinakabahan daw siya at pabiro pa itong nagsabi na baka puwedeng bigyan daw siya ng kahit konting “clue” man lang kung sino ang mananalo.
Mabibigat din ang ibang aktor na nakalaban niya sa naturang kategorya. Isa na rito ang actor-director na si Cesar Montano.
Pero noong April 27, si Kristoffer nga ang itinanghal na Best Supporting Actor (Drama, Musical or Comedy) sa ika-10 Golden Screen Awards for Movies kaya wala halos pagsidlan ang kaligayahan nito.
Nakausap ng PEP si Kristoffer pagkatapos ng photo ops ng lahat ng winners sa Teatrino, Greenhills kung saan idinaos ang awards night.
Ano nga ba ang pakiramdam na hawak na niya ang una niyang tropeo sa pag-arte?
FIRST MAJOR AWARD. “Grabe, actually, hindi ako makatulog. Kagabi pa, sobra! Tanong ako nang tanong, ano ba ang nangyayari?
“Kaya sabi ko, gawin niyo na lang akong presentor or magpe-perform na lang ako para may purpose ang pagpunta ko.
“Tapos, pagpunta ko rito, sabi ng handler ko, 'tara, punta tayo kay Nat Manilag, hiram tayo ng suit.'
“So, 'eto na, tapos, pagpunta ko rito, sobrang kabado na 'ko, nanginginig na ang kamay ko. Hindi ko na ma-explain.
“Tapos, noong ina-announce na ang category, sobrang nakayuko na ko,” panimula niyang kuwento.
Mas kinabahan pa raw siya nang makita niya ang video ng mga kalaban niya sa naturang kategorya.
Sabi ni Kristoffer, “Cesar Montano pa lang, parang... uuwi na ba ko? Uuwi na ba ko? Parang ahh... kaya habang inaano yun, nakayuko lang ako, nagdarasal lang ako.
“Lord, kung para sa akin 'to, salamat. Kung hindi, okay lang, hindi ko pa time.”
Nagkataon naman na may Dekada Award na ipinamahagi ang Enpress para sa nanalo ng mahigit sa isang beses sa loob ng sampung taon ng Golden Screen Awards for Movies. At unang tropeyo nga raw niya yun sa kanyang showbiz career.
Kaya naitanong nga namin kay Kristoffer kung nai-imagine niya rin ba ang sarili na pagkatapos ng isa pang sampung taon ng Golden Screen, posible kayang madagdagan pa ang acting award niya?
“Oo, walang imposible,” ang positibo niyang sagot.
“Wala namang imposible. Sabihin na natin na makilala akong magaling na artista after 10 years, it’s my privilege. Sobrang natutuwa ako kasi, first award ko, major award agad. Best Supporting, hindi birong award.
“Sobrang natutuwa at nagpapasalamat ako sa Enpress for this award,” saad niya.
Tinanong naman namin si Kristoffer kung ngayon, nakikita niya ang sarili na kahit paano, nakaungos siya sa mga kasabayan niyang teen stars ng Kapuso network dahil sa bago niyang “achievement.”
Sabi naman ni Kristoffer, “Ay, ako kasi, hindi ko nakikitang ganun ang award na ito. Itong award na ito, akin ‘to.
“Pero, wala akong nararamdamang yabang at itong award na ito, isi-share ko pa sa kanila na hindi lang para sa akin 'to... sa atin 'to. GMA tayo. Pamilya tayo. Hindi lang para sa akin, para sa atin 'to.”
SUPPORT FROM GF JOYCE. Kung meron man daw na isang tao na naging “very supportive” sa kanya, ito nga ang girlfriend niyang si Joyce Ching.
Aniya, “Tinawagan ko siya agad. Siya yung sabi ng sabi na, 'ano ka ba, mananalo ka na riyan.'
“Siya yung sobrang supportive na, 'ano ba, huwag kang kabahan, ikaw na yan.' Simula kahapon, ganoon siya ng ganoon.
“Dapat nga, sasama siya ngayon, pero, may personal siyang lakad na hindi niya mabitawan. So, sobrang supportive niya hanggang ngayon.
“Kahit na nahihilo na siya sa biyahe, sabi siya ng sabi na, 'I’m so proud of you, I’m so proud of you.'
“So, sobrang naramdaman ko yung support niya na hindi niya ako binitawan, hindi niya ako pinabayaan for a second.”
EXPECTATIONS. Ngayong may acting award na siya, may mga inaasahan ba siyang pagbabago o maidudulot na pagbabago ito sa kanyang career?
“Ayokong mag-expect, pero sana, hoping ako na there’s something big ahead of me. Pero ayokong mag-expect.
“Pero siguro ngayon, mapapansin na ng network dahil sa award na ito. Hindi lang para sa akin, nabigyan ko rin ng karangalan ang GMA.
“So, pangalan din nila ang dinala ko. Yun, sobrang happy ako,” saad niya.
Magiging choosy na rin ba siya lalo na pagdating sa mga projects na gagawin niya?
“Hindi naman, hindi naman. Tingin ko naman wala naman ako sa stage na yun at hindi ako darating sa ganoong stage.
“As long as may trabaho at kung okay naman sa parents ko ang role. Siyempre, kung may malaswa, yun ang pag-iisipan lang,” pagtatapos niyang pahayag. — Rose Garcia, PEP.ph
Tags: kristoffermartin
More Videos
Most Popular