ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Katrina Halili’s reaction when she saw Hayden Kho again: 'Wala'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang mas slim na Katrina Halili ang dumalo sa World Costume Festival Kapuso Fiesta night noong April 28, 2013 sa Vigan Convention Center, na siya ring venue para sa nasabing selebrasyon. Sa gabi ng World Costume Festival ay rumampa ang Kapuso stars, kabilang si Katrina, suot ang festival costumes mula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Bukod kay Katrina, ang iba pang mga artista na rumampa ay sina Bela Padilla, Max Collins, Mike Tan, Mikael Daez, JC Tiuseco, Andrea Torres, William Devaughn, Arthur Solinap, at ang beauty queen na si Chloe Dauden. Pagkatapos ng programa, nilapitan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Katrina para sa isang maikling panayam. Healthy lifestyle Una naming tinanong kay Katrina ay kung ano ang ginawa niyang diet at nagawa niyang magbawas ng timbang sa maikling panahon, pagkatapos niyang isilang ang anak nila ni Kris Lawrence na si Katrence. Hindi na raw siya kumain ng rice, pork, beef, at chicken. “Ano lang, fish and vegetables lang. Tapos water, tapos nagwu-walk ako ng two hours every day,” sabi ng sexy actress.   Masasabi rin daw niyang parang exercise na rin ang pag-aalaga sa kanyang pitong-buwang anak Inamin din ni Katrina na gumagamit siya ng slimming machines para lalong maging sexy. Hindi na rin daw siya nagbi-breastfeed sa anak na si Katie. “First two months lang ako nag-breastfeed,” banggit niya. Family life Kumusta naman ang pagiging ina niya? “Sobrang masaya, complete. Sobrang nakakakumpleto ng pagkatao,” sagot ni Katrina. “Malaki ang impluwensiya sa akin. Mas nag-mature ka, mas may focus ako. Diretso ka na sa buhay, gano’n.   “Masaya po. Every day is learning... nasa learning stage. "Siyempre, every day, may bagong nangyayari sa baby ko, e, nakakatuwa pala ang may baby!” Nagtutulungan daw sila ni Kris sa pagpapalaki sa kanilang anak ngayon. “Kami kasi ni Kris, okay naman kaming dalawa, e. Nagtutulungan kami,” sabi niya. Ayon pa kay Katrina, ang prayoridad daw nila ni Kris ngayon ay palakihin ang kanilang anak. Saka na lamang daw nila isusunod ang pagpapakasal. After three years daw ay hopefully maikasal na sila. Balancing act Nagbalik na rin sa pag-arte si Katrina. Ang una niyang proyekto ay ang pagganap niya bilang isang diwata sa Indio, ang epicserye na pinagbibidahan ni Senator Bong Revilla. Kuwento ni Katrina, apat na beses silang mag-taping para sa Indio kada isang linggo. Pagkauwi nga mula sa Vigan kahapon, Abril 29, ay dumiretso agad siya sa taping. Dahil raw sa busy schedule niya ay umaasa na lang sila ni Kris sa video conferencing via Facetime para malaro ang anak niya. Seeing Hayden again Hiningan din ng PEP ng reaksiyon si Katrina sa pagkikita nina Kris at Hayden Kho Jr. sa isang event noong isang taon. Sa hiwalay na panayam kay Kris ay inamin niyang naisip niyang sapakin si Hayden noong oras na iyon, ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Naging kontrobersiyal ang pagkakaugnay noon ni Katrina kay Hayden dahil sa pagkalat sa Internet ng kanilang sex video. Sabi ni Katrina, “Naikuwento sa akin ni Kris ’yon... ano naman, happy naman ako." Natuto raw ang aktres kay Kris na nanatiling propesyunal kahit na masidhi ang nararamdaman nito laban kay Hayden. Pagdidetalye pa ni Katrina sa pagtatagpo nina Kris at Hayden, performer si Kris noon sa isang patimpalak at nang kamayan niya ang mga judges, nagulat ito nang makita si Hayden na isa pala sa mga hurado. Ayon kay Katrina, hindi na sana kakamayan ni Kris si Hayden subalit mabilis itong nakapag-isip at itinuloy ang pakikipagkamay sa dating cosmetic surgeon. “Para sa akin, para sa aming dalawa [ni Kris], siguro ganun talaga ang naramdaman niya no’n. Pero buti na lang nabago, di ba? “Para sa amin, parang past is past. "Parang masaya na kami, e, bakit pa kami magagalit do’n, di ba?" Proud ba siya sa ginawa ni Kris? Sagot ni Katrina, “Oo naman po, kasi ayoko din naman po ng gulo, kasi para saan pa? “Kasi masaya naman kaming dalawa, e. Kasi walang kailangan pang ano, para guluhin pa namin yung buhay namin." Pagsisiwalat pa ni Katrina, matapos ang pagkikita nina Kris at Hayden sa isang event last year ay nagkita raw muli ang dalawa sa isang mall. At sa pagkakataong ito ay kasama na siya ni Kris. Ano ang naramdaman niya nang makita si Hayden? “Wala... ang weird lang kasi kakakita lang nila ni Kris,” sagot ng aktres. Kuwento pa niya, nasa loob sila ng isang restaurant at si Kris ang unang nakakita kay Hayden, na itinuro naman nito kay Katrina. Hindi naman daw sila napansin ni Hayden. Nagulat lang si Katrina na matapos magkita nina Kris at Hayden, muli nilang nakita si Hayden makalipas ang ilang araw. Kita sa mukha ni Katrina ang pagkakaroon ng mas magandang disposisyon sa kabila ng masakit na pangyayari sa kanila ni Hayden. Ano ba ang nakatulong sa kanya na muling makabangon? Sabi ni Katrina, “Siguro, unang-una, yung masaya na ako sa buhay ko and kung anuman yung nangyari before, parte na ‘yon ng buhay ko, e, di ba? “Di naman kailangang mag-stop do’n. Dapat may matutunan tayo sa nangyari sa atin, yun lang, so positive lang." Nang matanong naman sa balitang muling nagkabalikan sina Hayden at Dra. Vicki Belo, ang maiksing tugon ni Katrina: “I’m happy for them.” Pep.ph