ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Richard Gomez on losing mayoralty race in Ormoc: 'Ganun talaga, e, life goes on'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Hindi pinalad na manalo ang aktor na si Richard Gomez sa kandidatura nito bilang mayor ng Ormoc City noong nakaraang eleksyon. Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News si Richard sa 44th Box Office Entertainment Awards noong Linggo, May 19, sa Meralco Theater. Nagwagi si Richard at ang kapareha nito sa Walang Hanggan na si Dawn Zulueta bilang All-Time Favorite Loveteam on Movies and TV. Tinanong namin ang aktor kung paano niya tinanggap ang pagkatalo sa nakaraang eleksyon. Sagot niya, “Okay naman... si Lucy won but I lost, but that’s the game. "Ganun talaga, e, life goes on. You have to start on your own, you have to move on, kailangang mabuhay. "We’re here for public service, pero ngayon we have to make people happy.” Ang asawa niyang si Lucy Torres-Gomez ay muling tumakbo bilang kongresista ng fourth district ng Leyte at sinuwerte namang manalo ulit. Sa muling pagkapanalo ni Lucy, nangako si Richard na tuloy pa rin ang pagtulong at suporta niya sa asawa para sa tungkulin nito. “Yeah, ganun pa rin, tuluy-tuloy. I’ll be helping her," sabi ng aktor, na siya ring tumatayong chief of staff ng asawa. Ito na ang ikatlong pagkakataon na nabigo si Richard sa kanyang hangaring sumabak sa pulitika. Noong 2007 ay tumakbo siya for senator bilang independent candidate ngunit natalo siya. Noong 2010 ay tumakbo siya bilang congressman ng fourth district ng Leyte ngunit na-disqualify siya dahil sa residency issue. Pinalitan siya ng asawang si Lucy Torres-Gomez na nagwagi naman. Ngayong 2013 nga ay tumakbo siya bilang mayor ng Ormoc City ngunit muli siyang nabigo. Sa kabila ng mga kabiguang ito, may balak ba si Richard na ituloy pa rin ang kanyang pagsabak sa pulitika sa mga susunod na eleksyon? Tugon niya, “Di ko inisip yun, magtatrabaho muna ako. Marami akong dapat gawin.” - Melba R. Llanera, PEP