Filtered By: Showbiz
Showbiz

Roxanne Cabañero, sumali sa Miss World Philippines 2014



 
PEP EXCLUSIVE. Marami ang nagulat nang muling magpakita sa publiko ang aspiring beauty queen na si Roxanne Cabañero bilang isa sa official candidates ng Miss World Philippines 2014.

Kabilang ang dalagang tubong-Cebu sa 21 kandidata ng prestihiyosong patimpalak ng kagandahan, kung saan si Miss World 2013 Megan Young ang kasalukuyang may hawak ng korona.

Naging kontrobersiyal ang pangalan ni Roxanne dahil sa pag-aakusa niya ng panggagahasa sa actor-dancer na si Vhong Navarro, na naganap diumano noong April 2010.
 
Nitong Huwebes ng tanghali, September 11, eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Roxanne sa pamamagitan ng telepono.

Pumayag ang 24-year-old aspiring beauty queen na magpa-interview basta huwag na raw pag-usapan ang reklamong inihain niya laban kay Vhong.

Inusisa ng PEP kay Roxanne kung bakit siya nagdesisyong lumabas na sa publiko, matapos ang halos pitong buwang pagtatago, sa pamamagitan ng pagsali sa Miss World Philippines.

Paliwanag niya, "It was a decision made by me and my boyfriend and my family din."

Ang boyfriend ni Roxanne ay si Arnold Aninion, miyembro ng Philippine Volcanoes (rugby team) at naging castaway sa Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown.

Patuloy ni Roxanne, “Kasi, there was a psychological battle after nung sa case last seven months ago, so I have this... parang alam mo yung feeling na you don’t want to go out sa bahay.

“And then, sabi nga ng psychologist ko na, ‘You have to go out there and reclaim your confidence again ‘coz talo ka 'pag hindi ka lumabas.’

“And ever since naman, when I was teenager pa, gustung-gusto ko talagang maging… alam mo na, beauty queen.

"And isa sa mga pangarap ko talaga is to get one of the crowns kung papalarin, 'di ba?”

Noong nag-sign up siya para sa Miss World Philippines, hindi ba siya nailang? Yung tipong baka pinag-uusapan siya ng mga tao?

Sagot ni Roxanne, “Of course, of course I have that feeling.

“Medyo naninibago ako.

"Alam mo kasi, I’ve been hiding for seven months sa bahay. And it’s not healthy anymore.

“One of the reasons I wanted to join the pageant, I wanted to reclaim my confidence again that I’ve lost seven months ago because I was publicly humiliated.

“Parang life must go on, I should live my dream and, you know, parang I deserve this naman.”

Mula sa maraming aplikante, napabilang si Roxanne sa 21 napiling kandidata.

Kaya naman nagpapasalamat siya sa pageant organization na nabigyan siya ng pagkakataon sumabak sa patimpalak at hindi siya hinusgahan sa nangyari noon.

Sa ngayon, hangad daw ni Roxanne na manalong Miss World Philippines at masundan ang naging tagumpay ni Megan Young.

Si Megan ang kauna-unahang Pinay na nanalong Miss World.

“And second, I wanted to raise an advocacy na parang to really promote an advocacy against abused women, women who went through sexual violations... parang ganun," ani Roxanne. -- Arniel C. Serato, PEP

For more showbiz stories, visit PEP.