Inalmahan ni Angelika dela Cruz, 38, ang akusasyon ng isang netizen na wala siyang ginagawang hakbang bilang barangay captain ng Longos, Malabon City sa harap ng banta ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Matapos na isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila at kinalaunan ay buong Luzon sa pinalawig na community quarantine at curfew, may panawagan din ang pamahalaan sa mga barangay official na tumulong sa pagharap sa problemang pangkalusugan.

Sa ulat ni Rachelle Siazon sa PEP.ph nitong Martes, sinabing ilang netizens ang hindi raw bilib sa pamumuno ni Angelika bilang kapitana ng Longos.

Sa tweet ng isang netizen, sinabing inuuna raw si Angelika ang magtago sa bahay, maliban pa sa nagbubura raw ito ng comments sa Facebook ng constituents na hindi nito gusto.

Taliwas daw ito sa kilos ng actress-politician noong panahon ng eleksyon kung kelan todo raw itong makabeso sa mga residente sa lugar.

Hindi ito pinalampas ni Angelika at sinagot ang naturang komento ng kaniyang basher.

Giit ng actress-politician, hindi porket hindi siya nagpo-post ng mga ginagawa niya sa barangay ay wala na siyang ginagawa.

Ipinost ni Angelika ang ilang larawan habang naglilibot siya sa barangay at tila pinapangunahan pa ang pag-disinfect sa kanilang lugar.

"Ayan isaksak mo Sa baga mo ang pictures ng matahimik ka! TROLL!," saad ng aktres.

Paliwanag pa ni Angelika, tatlong araw na siyang naglilibot sa kaniyang barangay.

Nakiusap din siya na alamin muna ang totoo bago manira. Kasabay nito ang pag-apela rin niya sa iba pa niyang kababayan na intindihin din kung hindi siya nakakapagbahay-bahay sa panahong ito.--For the full story, visit PEP.ph