Hindi maipagkakailang proud si Vic Sotto sa anak niyang si Vico Sotto dahil sa inaani nitong papuri bilang mayor ng Pasig City.

Maraming Pasigueño at netizens ang humahanga dahil sa pagiging aktibo ni Mayor Vico sa gitna ng kinahaharap na krisis ng bansa dahil sa COVID-19.

Si Vico ay anak ni Vic sa aktres na si Coney Reyes.

Saad ni Vic tungkol sa anak, “Of course, proud ako na he’s doing a good job.

“Pero sabi ko nga, hindi lang naman siya, pati yung ibang mga ating namumuno sa bansa.

“Lahat sila, they’re doing a good job.

“Sabi ko nga, mula sa ating Pangulo hanggang sa ating mga health workers, e, talagang sama-sama.

“Pag sama-sama, may bayanihan, kakayanin natin ‘to.”

Sinang-ayunan din ni Vic ang pahayag ni Mayor Vico na hindi dapat pagkumparahin ang local government units, lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa isang matinding krisis.

Ayon sa 'Eat Bulaga' host, “May nadinig akong interview sa kanya, maganda yung sinabi niya na dapat wala nang kumpara-kumpara.

“Ako, personally, dapat tigilan muna yung pulitika. Wala muna yung pulitikahan.

“Isipin na lang natin kung papa'no tayo makakatulong sa kapwa.

“Kahit nasa bahay tayo, kung wala man tayong magawa na pang-donate na kung ano man, magdasal tayo.

“Iyon ay isa sa mga donasyon na puwede nating gawin na maaaring makatulong sa ating kapwa.”

Saad pa ni Vic, “Yung kay Vico, I think he’s doing his job.

“Iyon ang ipinangako niya sa kanyang mga constituents na aalagaan sila—and he’s doing a good job.

“At hindi lang siya. Gusto kong bigyan din ng credit ang lahat na ating mga namumuno—mula sa ating Pangulo down to the barangay kagawad, at ang mga frontliners.

“Hindi natin puwedeng kalimutan ‘yan, talagang ‘ika nga, medyo lumalaban sila nang tagilid. Nakataya ang buhay nila.

"Pero lumalaban sila para sa ating kapwa.

"Iyon ang ating mga lodi, ‘ika nga. Iyon ang mga idol natin.

“So, yung pulitika, kalimutan na natin ‘yan.

“Saka na tayo magpulitikahan pagkatapos ng krisis,” pahayag ni Vic.-- For the full story, visit PEP.ph