Iginiit ng aktor na si Matt Evans sa PEP.ph na ang pagkakaaresto sa kaniya ng mga pulis noong nakaraang linggo ay hindi dahil sa akusasyong sinaktan niya noon ang dating karelasyon na si Johnelline Hickins.

Sa ulat ni Bernie V. Franco sa PEP.ph nitong Biyernes, sinabing taong 2012 pa nang huling nakita umano ni Matt si Johnelline.

Ito rin daw ang taon na sinampahan ni Johnelline si Matt ng kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children.

Noong nakaraang linggo, inaresto ng Manila Police District si Matt sa tahanan ng aktor sa Sampaloc, Manila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Carmencita Lacandazo Logan ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 12.

Nakapagpiyansa ang aktor ng halagang PHP36,000 noong Lunes, August 3.

Pinasinungalingan na noon ng aktor ang akusasyong sinaktan niya ang dating partner, at na-dismiss daw ang kaso noong 2013.

Hindi raw niya inasahan ang pag-aresto sa kanya noong Biyernes.

“Nagulat po at galit na galit dahil ang tagal ko na nananahimik. Eight years na.

“Happily married na ako with three kids, tapos biglang may ganito na naman after eight years,” saad ng aktor.

May isang anak si Matt kay Johnelline, at walong-taong-gulang na ito ngayon. Huli raw niyang nakita ang bata noong 10-buwang-gulang pa lang ito.

Hindi naman itinanggi ni Matt na nagkaroon siya ng pagkukulang sa pagbibigay ng suporta sa bata pero hindi raw niya tinatakbuhan ang kaniyang obligasyon sa anak.

“Nagkataon lang na apektado lahat ng kabuhayan ngayon.

“May lapses din ako noon kasi alam naman ng lahat na no work, no pay ako,” paliwanag ng aktor

Umaasa si Matt na maaayos din ang lahat at bukas daw siya na makipag-usap kay Johnelline.

“Lahat naman nadadaan sa pag uusap.

"Nangyari na ito dati, napag-usapan na namin. Pero ginawa lang niya ulit.

"Wala naman ibang pupuntahan ito kundi pag uusap din," sabi ni Matt.--For the full story, visit PEP.ph