WORLD CUP MEMORIES

By MARC PINGRIS
as told to MARISSE PANALIGAN


Video: Zeke Alonzo and Joseff Tuazon
Editing: Shaimah Bantuas and Bryan Dabu
August 30, 2019

Photo: FIBA.com

SHARE THIS STORY

Bago kasi kami maglaro ng World Cup, talagang expect namin na may tatalunin kaming dalawa. May gugulatin talaga kami. 'Yun talaga 'yung pinag-uusapan namin nina Coach. May tatalunin tayo dito isa or dalawa. So ano, talagang hindi talaga pinalad 'no, pero napakita talaga natin na lumalaban tayo kahit nga, napapanood n'yo naman kahit nga 'yung height nung mga point guard nila kasing lalaki nu'ng mga big man natin. Sa amin lang laro lang naman talaga kami.

Laro lang talaga kami na ang puhunan talaga namin is 'yung puso namin. Konting-konti na lang. Siguro naman itong susunod na Gilas natin, itong lineup natin, 'pag napanood siguro nila 'yung mga games namin, siguro may nakukuha rin sila du'n ano, may mga aral din sila dun. Good luck sa kanila, alam kong may tatalunin din sila. Alam kong makakapasok tayo this time. So 'yun nga, 'yung kami, sinabi ni Coach na basta, laro lang. Every ano, alam namin na sobrang pagod na pagod na kami. Pero laro lang talaga kami.

August 29, 2014
THE NIGHT BEFORE THE PHILIPPINES' RETURN TO THE FIBA BASKETBALL WORLD CUP

Hindi ako makatulog. Dahil iniisip ko, ito na, kumbaga sasabak na kami. Kumbaga... 'di ko alam, basta nag-pray ako. Excited din, sobrang excited na sobrang kabado. Alam mo 'yung 'di ka makakain, 'di ka mapakali.

Pero nu'ng pagpunta namin doon, at nakita namin 'yung mga Pilipino, nag-iba lahat. Nawala 'yung kaba namin, nawala 'yung homesick namin. Sobrang saya lang na talagang ang dami talagang Pilipino. So 'yun, 'yun 'yung nagbigay sa amin ng buhay.

Team Pilipinas before tipoff at the 2014 FIBA Basketball World Cup. Photo: FIBA.com

Sobrang sarap na experience na para ka lang nasa Pilipinas nung time na 'yun. Dahil 80 percent Pilipino eh. Twenty percent lang mga ano na. Every game 'yun. Every game ganun. So masaya, sobrang saya lang.

Ako sa totoo lang sa akin naman, happy kasi ako na 'yung against Korea natin, nu'ng panalo pa lang 'yun, du'n pa lang kami as a player, as mga coaches talaga, sobrang happy talaga nu'ng time na 'yun.

Then hindi pa talaga kami naniniwala. Pero nu'ng dumating na kami dun, eto na. Eto na ulit 'yung panibagong pagsubok natin. So instead na, you know, mag-happy happy kami, talagang sobrang focused kami sa small details talaga. Sobrang focused kami sa mga ginagawa namin, pero hindi pa rin talaga kami makapaniwala talaga hanggang hindi nagstart 'yung first game namin.

Marc Pingris fights for the loose ball against Croatia. Photo: FIBA.com
August 30, 2014
PHILIPPINES VS. CROATIA

I'm not sure pero parang 23-9 yata 'yung [lamang ng Croatia]... Parang 'di pa talaga namin nakukuha 'yung game namin. Kasi parang shocked pa nga kami eh, parang excited nga na kinakabahan kami eh. So 'yung time na naglalaro na at unti-unti tayong humahabol, in halftime parang 'di ko alam kung 6 points o 5 points lang ata 'yung lamang.

Nu'ng nag-huddle kami, ang lagi naming sinasabi, 'tol kaya nating manalo. Kaya namin manalo. Tas kinakabahan na rin sila. Kaya natin na ipakita natin sa kanila. Kasi parang binaby kasi kami nu'ng una nu'ng tinambakan kami eh. Parang nawala na 'yung respeto nila sa amin, ganu'n. So ang lagi lamang sinasabi sa amin ni Coach [Chot Reyes], sige laruin n'yo lang. So nu'ng nilalaro talaga namin, at unti-unti namin nakukuha 'yung game namin sa isa't isa, 'yun na.

At nung nag-overtime muntik pa nga tayo nanalo nu'ng last shot ni Jeff. Last three points niya all kasi 'yun eh. Pagpasok 'yun ito na eh. Pero nu'ng 4th quarter talaga ang ganda na nu'ng laban eh. Hindi na kami 'yung kinakabahan. 'Yung kalaban na 'yung kinakabahan. So ang daming mga Pilipino, sumisigaw. Ang sarap pakinggan eh. I mean, mawawala 'yung pagod mo talaga pag naglalaro ka.

So lagi, kada time out ni Coach, you know what, kaya natin. Kaya natin manalo, ipakita natin. So 'yun lang, talagang alam mo konting-konti lang eh. Konting-konti na lang talaga eh. Lalo siguro, sa akin, 'pag siguro mas nag-practice kami nang matagal, kasi mga two months pa lang yata kasi kami nagsama-sama nung time na 'yun, two months or three months, I think. 'Yung iba kasi may practice sa PBA, 'yung iba nasa finals. So hindi kami mabuo nu'ng time na 'yun.

Nabuo lang kami talaga nung mga two weeks lang yata dito sa Pilipinas then du'n na kami nabuo talaga sa Miami. So 'yun, siguro pag nag-practice pa kami talaga nang matagal at mas kabisado pa namin 'yung laro namin sa isa't isa, kaya talaga eh. Kayang-kaya talaga nating manalo. Pinakita natin sa lahat naman eh. Hindi lang sa Croatia 'yung laro namin eh, every game, kaya nating makipagsabayan. Although s'yempre maliit tayo, 'yun talaga 'yung pinaka-kulang natin sa height. Pero 'yung puso talaga, tayo yata 'yung pinakamalaki.

Gilas Pilipinas big man June Mar Fajardo battles Greece in the paint. Photo: FIBA.com
August 31, 2014
PHILIPPINES VS. GREECE

Laking bagay siguro 'yung first game natin against Croatia na nagkaroon kami ng kumpyansa nu'n eh. Na itong team na 'to, napakalakas, eh muntik natin natalo. So ang sinabi ni Coach sa amin, kung ano 'yung nilaro n'yo, ganu'n ulit ang laruin n'yo or doblehin n'yo pa, ibigay n'yo na lahat. Kasi kumbaga nandito na tayo, sandali lang 'to. Sandaling laro lang 'to. So 'yun siguro 'yung nagbigay din sa amin ng motivation na kaya naming sobrang manalo talaga.

Although sobrang, andun 'yung mga nag-e-error nga kami, sayang lang, pero you know, happy pa rin kami, happy pa rin kami na hindi rin namin akalain, hindi rin akalain ng mga kababayan nating nanonood na ganun 'yung kadadatnan nung laro. Parang kasi iniisip nila, nung first game namin kasi against Croatia, nasasabi nila baka ang lamang dito mga 40 points. May mga naririnig-rinig kami. So 'di nila akalain na every game nirerespeto na kami kung ano 'yung makakalaban namin. So masaya lang, masaya din naman.

Gabe Norwood dunks over Argentina star Luis Scola. Photo: FIBA.com
September 1, 2014
PHILIPPINES VS. ARGENTINA

Katulad ng sinabi ko, first game, second game, wala kaming binabago sa laro namin eh. Akala ko nga nu'ng una, ito na siguro 'yung unang panalo natin. Argentina. So ang mindset lang namin nila Coach nu'n, running game.

And then tirahan n'yo lang kung sino 'yung libre, ganu'n. And more defense. Katulad nang sinabi ko, 'yung first game and second game natin, du'n namin talaga nakukuha kumbaga 'yung confidence sa paglalaro.

GILAS PILIPINAS SLAM DUNK LINEUP
Pinoy Sakuragi names his Starting Five from the national team for his favorite anime

September 3, 2014
PHILIPPINES VS. PUERTO RICO

Akala ko kasi panalo tayo nu'n eh. Puerto rico. 'Yun talaga 'yung pinaka-target natin na ito 'yung first win natin dito. Tas bigla lang pumutok si [JJ] Barea. Pumutok lang siya, pag 'di siya pumutok, ano lang kumbaga parang nagkamali lang kami sa mga pick and roll defense namin.

Pero na-accept talaga namin na sobrang sayang lang na ito, ito kasi 'yung pinaghahandaan talaga namin is Puerto Rico tsaka Senegal. Dahil alam namin ito 'yung kayang-kaya naming talunin. So naiyak na lang ako na, you know, sabi ko, sayang 'yung pinaghirapan namin. Well sasabihin ko na rin kasi 'no.

Ang hirap ng mga pinagdaanan namin. Ang hirap ng training, ang hirap ng mahiwalay sa family namin. 'Yun 'yung naisip ko 'yung time na 'yun. Na sayang ito na 'yung pagkakataon. Tapos biglang, ewan ko, siguro sobrang emotional lang akong tao na nanghihinayang ako sa panalong yun. Dahil alam kong kayang-kaya natin 'yung ano kasi kilala din natin 'yung import nila. So 'yun wala tayong magagawa, ganu'n talaga 'yung nangyari. At 'yung time na 'yun nag-uusap-usap kami na proud pa rin kami sa isa't isa kahit na wala tayong nakuhang panalo.

Pagkalabas namin, panalo pa rin kami sa mga Pilipino. Pinapalakpakan pa rin kami. 'Yun yung masarap sa amin eh. 'Yung lalabas ka kahit talo ka, sasabihin ng mga Pilipino sa 'yo, O, panalo pa rin kayo sa amin. Du'n kami kumukuha ng lakas. Ang sarap lang pakinggan talaga. Ang sarap lang kasing minsan manood 'di ba. Pero hindi nila alam kasi 'yung mga nangyayari, 'yung mga napagdadaanan namin na hirap. So 'yun.

Jimmy Alapag was the hero of the day for the Philippines against Senegal. Photo: FIBA.com
September 4, 2014
PHILIPPINES VS. SENEGAL

Bago kasi kami maglaro, kinausap kami ni MVP [Manuel V. Pangilinan], ni Boss. Kasi parang may dinner yata sila, same andu'n din yata... I'm not sure Coach or 'yung mga taga-Senegal din yata or manager ng Senegal, na binastos sina Boss. Ewan, parang bakit pa kayo nag-eensayo 'di naman kayo mananalo sa amin. Ginanun sila Boss. So parang hindi talaga tayo nirespeto. So nagpatawag si Boss ng meeting tapos sinabi niya sa amin 'yun. Binastos kami, sinabi sa atin 'to, na kahit anong mangyari hindi rin tayo mananalo. So siguro 'yun, kumbaga nu'ng narinig namin 'yun parang kumain kami ng labuyo. Talagang umuusok kami sa... hindi naman sa galit or makipagsapakan. Kumbaga, sige, pagdating natin sa court.

So jump ball pa lang, unang takbuhan pa lang parang nagkakapisikalan na agad. Maraming foul. Talagang, alam mo 'yun... talagang, pero sila talaga 'yung pinaka-pisikal na player, ang Senegal. Lahat ng mga nakalaban namin OK lang. Pero itong Senegal din talaga 'yung pinaka-pisikal din. Tsaka sobrang tatangkad talaga. Point guard to big, 1-2-3 nag-si-switch lang sila tas zone.

So kasi kami ni Ranidel du'n, pagod na kami. At may injury na rin talaga ako nu'n sa Achilles. Sobrang namaga siya tas sumasakit na. So si Ranidel kinausap si Japeth. And then ako kinausap ko naman si June Mar na, "Brod, ito na 'yung pagkakataon n'yo, saluhin n'yo rin kami, kayang-kaya mo 'to 'tol." So kinakausap ni Ranidel si Japeth kinakausap ko si June Mar. Nung time na 'yun maganda 'yung nilaro ni June Mar din. So 'yun 'yung maganda sa amin, kung sino 'yung down na player, 'yung iba nag-step up naman.

So lahat and then si Jimmy [Alapag] kahit pagod na kami, alam mo, sobrang sipag talaga. Siya yung nag-sho-shooting pa talaga. Shootaround sa umaga bago kami maglaro sa Senegal. So at least, tingnan mo naman ‘yung ano... talagang siya 'yung naging hero talaga natin. So sabi ni Coach kahit isa lang, kunin na natin 'to kahit hindi tayo pasok, ito lang kunin natin. Para sa mga Pilipinong pumupunta rito. Para sa Pilipinong nagdarasal sa atin. Sa mga magulang natin, sa mga family natin, isa lang. So 'yun talagang binuhos din namin lahat.

So 'yun, nu'ng nanalo, para na kaming nag-champion. Ang sarap ng feeling talaga. Tas pumasok si Boss, kinongrats kami. Tapos mga Pilipino nag-te-text, paglabas namin... parang nag-champion kasi ang daming nag-iinuman mga Pilipino doon, nag-iingay sa kalsada. Ang sarap talaga ng feeling na makita mo 'yung mga ganu'ng kababayan mo.

Pero... alam mo kaya talaga natin eh. Kaya nating pumasok. Like now, nakapasok ulit tayo. Alam kong kaya din nilang manalo. Pagtiyagaan lang nila, paghirapan nila, at makinig lang sila sa Coach nila. Mahirap yes. Mahirap talaga. Pero kaya.

Pag-uwi namin dito, proud na proud sila. Sobrang proud sila na talagang ginawa namin lahat para sa kanila, hindi para sa sarili namin, para sa bayan natin. So I wish na... 'yun sa mga ginawa namin. Alam kong marami siguro mga kabataan din ngayon nahihilig sa basketball. Sa mga susunod na siguro sa yapak din namin.

'Yun din naman talaga 'yung goals namin, kahit sinong player sa amin. 'Yun naman 'yung pinaka gusto rin namin na ngayon pa lang 'yung mga kabataan na nangangarap din. Yes I know dito wala kaming suweldo. Allowance allowance lang. Pero ang sarap talaga na maglaro. Hindi para sa sarili mo, hindi para sa pangalan mo sa likod, kundi 'yung Pilipinas, 'yun kasi yung pinaglalaban mo. Para kang bayani 'di ba. Patay kung patay. I hope marami kaming na-motivate na mga kabataan na gusto ring maglaro ng basketball. Hindi lang naman sa basketball eh, marami tayong mga sports diyan.

Nagpapasalamat ako sa mga Pilipinong sumuporta sa amin, nagdasal sa amin, sinuportahan kami. Madaling araw dito doon 'di ba, nakikipag-puyatan. Hindi namin magagawa 'to kundi dahil sa mga sumuporta sa amin. Gusto kong pasalamatan yung mga Pilipinong nagluluto sa amin ng mga pagkain. Na-ho-homesick kasi kami sa mga Filipino food. Nilalabhan 'yung mga jersey namin dahil sa sobrang pagod namin... pinupuntahan kami sa hotel para mamigay lang ng mga pagkain, na pumupunta lang sila doon para makipagkuwentuhan, kumusta 'yung buhay nyo rito, kumusta kayo dito, taga saan kayo sa atin. Kahit saan, kahit saan. May mga Pilipino talagang pumupunta sa mga practice. Ito 'yung talagang masasabi mo na nagkakaisa din talaga ang mga Pilipino eh. Talagang mapagmahal din talaga sila sa ating bayan.