Naging maaksyon ang pagsisilbi ng arrest warrant sa umano'y lider ng "Bonnet Gang" sa Quezon City nang lumaban daw ito at makipagbarilan sa mga awtoridad habang may suot na bullet proof vest. Ang suspek, sinasabing sangkot sa mga holdapan at pagpatay.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing bitbit ang arrest warrant, pinuntahan ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng suspek na si Wilfredo Decena, sa isang compound sa barangay Old Balara sa Quezon City para isilbi ang arrest warrant laban.
Pero bago pa man maisilbi ang arrest warrant, nagpaputok na umano ng baril ang suspek.
Hindi nagtagal, isang pulis na nasugatan ang inilabas mula sa compound at kaagad na dinala sa ospital.
Dahil masikip ang daan patungo sa compound na kinaroroonan ng suspek, hindi kaagad makapasok ang mga pulis.
Hindi rin basta makapagpaputok ang mga pulis dahil may mga residente pa sa compound.
Nagkaroon pa ng ilang putukan bago idineklarang napatay na ang suspek na sinasabing mayroong suot na bullter-proof vest.
Napuruhan si Decena sa tama ng bala sa ulo.
Tatlo pa umanong kasamahan ni Decena ang nakatakas, habang isa naman ang nadakip.
Kabilang umano sa mga krimen na kinasangkutan ni Decena ang pagpatay sa presidente ng asosasyon ng habal-habal na umano'y pinagbintangan nitong police asset.
Isa pang pinagbintangan niyang police asset, nasugatan sa pamamaril din umano ni Decena. -- FRJ, GMA News
