Opisyal ng security agency pinagbabaril sa Cotabato City
Isang nakamotor na opisyal ng security agency ang patay nang pagbabarilin ng mga hindi pa matukoy na salarin sa Cotabato City.
May nadamay ding dalawang sibilyan sa pamamaril.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Glitter June Dela Cruz.
Siya ay nagtamo ng mga bala sa katawan, at natagpuan ang bangkay sa gilid ng kalsada.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na alitan sa trabaho ang posibleng motibo sa krimen.
Ligtas na ang lagay ng dalawang sibilyang nadamay sa pamamaril, samantalang hindi pa nakikilala ang mga suspek sa pamamaril.
Patay din nang pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin ang isang kristo sa sabungan sa Bato, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Paulo Mota, na nakamotorsiklo rin nang sundan ng mga suspek.
Nagtamo siya ng 11 bala sa katawan. Nagawa pa niyang makalayo sa mga suspek ngunit bumagsak din kalaunan sa isang kalsada, base sa police report.
Tinitignan kung may kinalaman sa trabaho ng biktima ang pagpatay sa kaniya.
Isang grupo ang iniimbestigahan na ng mga awtoridad ngunit tumanggi pa silang magbigay nag detalye.
Sa Biñan, Laguna, sinalakay naman ng mga hinihinalang miyembro ng "termite gang" ang isang pawnshop.
Hinihinalang dumaan ang mga salarin sa drainage system na konektado sa sahig ng pawnshop.
Nadiskubre na lamang ng mga empleyado ang ginawang butas sa sahig ng mga suspek.
Natangay ang hindi pa matukoy na halaga ng pera at alahas. —Jamil Santos/NB, GMA News