Sinabi ng batikang comedian at "Bubble Gang" star na si Michael V. na matagal na niyang nakahiligan ang pagba-vlog bago pa man ito nauso. Kaya masaya niyang ikinuwento na siya lang ang mag-isa ang namamahala sa vlog mula sa pagkuha, pag-edit at upload.
"Purely hobby lang ito eh, tsaka 'yung mga gusto ko lang iparating na hindi maiparating through my shows," sabi ni Michael V na kilala rin bilang Bitoy, nang makausap siya ng showbiz press matapos mag-renew ng kontrata sa GMA Network nitong Miyerkoles.
"Maraming mga journey na pinuntahan ako, na dinaanan ako, na gusto kong ma-experience din ng mga tao. At ito 'yung perfect venue for me, 'yung YouTube para sa social media account ko," dagdag pa niya.
Comedy genius Michael V. remains a Kapuso after renewing his contract with GMA Network today, April 4, 2018. @gmanews pic.twitter.com/qFLrEwbyOL
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) April 4, 2018
Passion na rin daw talaga ni Michael ang video editing kaya wala siyang katulong sa kaniyang YouTube channel.
"One-man production army ako eh. Ako nagka-cut, ako nagshu-shoot, ako nagsusulat. Tapos siyempre ako rin 'yung content, ako rin nag-e-edit. Wala, wala talaga, wala akong team. Ako lang lahat," sabi pa ng komedyante.
"Okay lang kasi matagal ko nang passion 'yon noon pa. Mga handycam pa dati. Hindi pa nga uso 'yung salitang 'vlog,' nagba-vlog na ako... Hindi pa digital. Wala pang YouTube. Matagal na akong nagba-vlog. Parang lately lang kasi nahinog 'yung idea," patuloy niya.
Sinabi ni Bitoy noon na gusto niyang mag-vlogging para maka-inspire rin ng ibang tao, at ang magkaroon ng self-expression.
Sa naunang panayam kay Bitoy sa PEP.ph, nagbigay ng payo si Michael V. sa mga nais maging vlogger na dapat "creativity" at hindi ang posibleng kikitain ang unang iisipin.
READ: Payo ni Michael V. sa mga nais maging vlogger: 'Creativity first'
“Kapag tiningnan nila yung vlogging o yung YouTube as a means to earn muna prior to creating content, magpe-fail," aniya. “Pero if you're someone na ang objective mo is to create something, yun magpo-prosper siya.”
Diin pa niya, “Huwag mong isipin yung pera muna, darating 'yan. Lalapit at lalapit 'yan kapag tama yung ginagawa mo, maganda yung ginagawa mo.
Mapapanood ang mga vlogs ni Michael V. sa kaniyang official YouTube channel na Michael V. #BitoyStory.-- FRJ, GMA News
