Patay ang isang lalaki na inireklamo ng panunutok at pagpapaputok ng baril nang makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis sa Quezon City.
Miyembro umano ng “Bonnet Gang” ang suspek na kinilala lamang sa pangalang Bugtong.
Nangyari ang engkuwentro sa isang bahay na pinasok ng suspek sa Barangay Old Balara sa Quezon City.
Pahayag ni Rebecca dela Cruz, may-ari ng bahay na pinasok ng suspek, “Pumasok po siya sa bahay namin. Hinahanap niya po ang asawa ko. Tapos nagpaputok na po siya sa loob ng bahay namin. Mabuti nalang at walang nasugatan sa apat na batang naiwan sa loog ng bahay.”
Sunod umanong nagpaputok ang suspek sa loob ng isang printing shop sa Barangay Batasan hills.
Ayon naman kay Manuelito Bedes ng Brgy. Batasan Hills, “Tinutukan niya yung aming mga kasama ring constituents doon sa Pangasinan, na nagtatrabaho rin sa printing press kasama po namin siya dito.”
Nakipagbarilan ang suspek sa mga rumespondeng pulis at nasukol siya as isang eskinita sa Old Balara at doon na siya napatay, ayon sa mga pulis.
Sa inisyal ng imbestigasyon ng mga pulis, ilang beses na umanong nanutok ng baril ang suspek sa mga residente, pero hindi agad nai-report sa pulis.
Isa umano sa mga nabiktima ay ang 63-anyos na lola na tinamaan ng bala sa braso nang magwala ang suspek noong nakaraang Abril.
Dati nang may kasong illegal possession of firearms si Bugtong at sumuko na rin siya sa Oplan Tokhang bilang drug user.
Miyembro rin ang suspek ng Bonnet Gang na nanghoholdap sa Quezon City.
Narekober mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril. —LBG, GMA News
