ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gng Hultman tahimik sa petisyong bawiin ang kalayaan ni Teehankee


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nanatiling tahimik ang ina ng isa sa mga biktima ng pinalayang bilanggo na si Claudio Teehankee Jr, kaugnay sa inihaing petisyon ng dati nilang abogado sa Supreme Court na pawang-bisa ang pagbawas sa sentensya at ipinagkaloob na executive clemency sa huli. Sa ulat ng QTV’s Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ni Gng Vivian Hultman, ina ni Maureen, na hindi muna siya magbibigay ng komento sa naturang usapin dahil emosyunal pa siya sa nakatakdang 17th death anniversary ng anak. "I really feel quite emotional these days dahil sa nangyari and dahil sa dadating na anniversary ng anak ko," ayon kay Gng Hultman. Nitong Miyerkules ay inihain ni Atty. Ernesto Francisco, isa sa private prosecutors na humawak sa kaso ni Teehankee, ang petisyon sa SC na pawalang bisa ang pagbawas sa sentensya na ipinagkaloob ng Board of Pardons and Parole kay Teehankee na ginamit na isa sa batayan para mabigyan ito ng executive clemency. Ngunit kumpiyansa ang Justice department na hindi ibi-veto ng SC ang pagpapatawad na iginawad ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kay Teehankee. Si Maureen ay pumanaw noong Oct. 17, 1991 dahil sa brain hemorrhages na idinulot ng bala na ipinutok sa kanya ni Teehankee noong madaling araw ng July 13, 1991. Bukod kay Maureen, napatay din ni Teehankee sa naturang insidente si Roland John Chapman, habang nasugatan naman si Jussi Olavi Leino. Si Leino ang naging pangunahing testigo sa krimen. Taong 1995 nang hatulan ng korte si Teehankee na makulong sa National Bilibid Prison. Nitong Oktubre 7, naging ganap na malaya si Teehankee matapos aprubahan ni Arroyo ang kanyang executive clemency na inirekomenda ng BPP. - GMANews.TV