ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

7 bata tinangkang dukutin sa Bustos, Bulacan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
BUSTOS, Bulacan—Saklot ng takot ang bayang ito matapos pagtangkaang dukutin ang pitong estudyante ng hinihinalang kidnappers na dumudukot daw ng lamang-loob ng mga bata. Ayon kay Maj. Gerry Andaya, hepe ng pulisya sa bayang ito, nakakaalarma ang ganitong klaseng insidente kaya't magpapakalat na sila ng mga pulis lalo na sa paligid ng mga eskwelahan. Dahil sa pangamba, agad nagpulong ang mga guro at magulang sa iba’t ibang paaralan at ipinayo sa mga magulang na ihatid at sunduin ang mga bata sa pag-aaral, o kaya'y magsabay-sabay ang mga bata papasok sa eskwela o kaya sa pag-uwi. Ayon kay Matilde Zamora, District Supervisor ng Department of Education sa bayang ito, lima sa mga biktimang nakaligtas ay pawang mga estudyante ng Bustos Elementary School at dalawa ay nagmula sa Alexis Santos High School sa Bgy. Liciada sa nasabi ring bayan. Tatlo sa pitong biktimang nakaligtas sa tangkang pagdukot ay kambal na lalaki. Humarap sila sa media noong Biyernes ng hapon kasama ang kanilang mga magulang at guro, at isinalaysay ang sinapit nila. Ayon sa kambal na mag-aaral ng Alexis Santos High School, parang hinipnotismo sila ng mga suspek, isa kanila ay babae na nagpakilalang dentista. Bandang alas-siete ng umaga noong Huwebes ay tinangkang dukutin ng babae ang kambal, ngunit nanlaban ang mga bata sa pamamagitan ng pagtadyak at paghampas ng bag sa mga suspek upang sila ay makatakas. Ayon sa magkapatid, magmula pa noong Disyembre ng nakaraang taon ay maka-apat na beses na silang pinagtangkaang tangayin ng nasabing suspek at ito ay isinumbong nila sa kanilang ama na si Felipe Reyes na noong una'y binalewala lamang ang nasabing pagtatangka. Sinabi ni Reyes na hindi nila alam ang motibo ng pagtatangka ngunit nangangamba sila na baka ito ang grupo na responsable sa mga napaulat ng mga insidente ng pagdukot sa mga batang natatagpuang bangkay at wala nang lamang-loob. Ayon naman sa siyam na taong gulang na batang estudyante mula sa Bustos Elementary School, bandang 7 p.m. noong Martes nang tinangka siyang dukutin ng isang grupo ng mga lalaki at swerteng nakatakas din sa mga ito. Ayon sa mga bata, pawang nakasakay sa kulay itim na Delica van ang kidnappers na ang natatandaan lamang nilang plaka ay may numero “5" ito sa gitna. Sinabi rin ng mga bata na may nakita silang mga batang nasa loob na ng van at nakasuot ng bonnet ang driver nito at ilan pang kasamahan. - Rommel Ramos
Tags: rpcrimes, bulacan