ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

HK columnist na tumawag sa 'Pinas na 'nation of servants' hinamon ng suntukan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Tumanggi ang isang kongresista na kasapi ng oposisyon na tanggapin ang paghingi ng paumanhin ng kolumnista ng isang magazine sa Hong Kong na tumawag sa Pilipinas bilang “nation of servants." Sa halip, hinamon nitong Miyerkules ng 62-anyos na si Paranaque Rep. Roilo Golez ng suntukan sa ibabaw ng lona ang kolumnistang si Chip Tsao. Ayon kay Golez maaari niyang palampasin ang racist remark ni Tsao sa kanyang isinulat na may titulong “War at Home" pero hindi niya ito mapapatawad sa pag-alipusta sa mga Filipino. “Because of his insult-to-intelligence definition of servant, thinking he could sweet talk us Pinoys, I am not accepting his apology and still would like one round, just one round in the ring with him. I will forget but will not forgive," pahayag ng kongresista. Si Golez, tagapagsalita ng minorya sa Kamara de Representantes ay isa sa mga ikinukonsiderang tatakbong senador sa 2010 elections. Nagtapos siya sa United States Naval Academy at naging undefeated brigade boxing champion sa loob ng apat na sunod na taon. Ang artikulong isinulat ni Tsao na inilabas noong Marso 27 sa HK Magazine ng Asia City Publishing Group, ay patungkol sa pag-angkin ng Pilipinas sa ilang bahagi ng pinag-aagawang Spratlys Island. Iminungkahi naman ni Cebu Rep. Antonio Cuenco, pinuno ng House committee on foreign affairs, sa Pinoy community sa Hong Kong na magsampa ng kasong libelo laban kay Tsao. “Naipit lang iyan. But kung aggrieved ang household helpers natin, puwedeng mag-file ng libel diyan para madala at matuto ng leksiyon," ayon sa kongresista. Kahit humingi ng paumanhin, nais ni Cuenco na panatilihin ng Bureau of Immigration (BI) ang paglalagay kay Tsao sa blacklist upang hindi makapasok sa Pilipinas. Lumabas sa Hong Kong-based private television network na ATV ang paghingi ng paumanhin ni Tsao sa mga Filipino at ipinaliwanag na: "The ’servant’ is a good term. A Hong Kong government official is a civil servant. We are all servants to God, right? I’m now aware that I’ve crossed the line and I offer my public apology." - GMANews.TV