ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga nasawi sa chopper crash ilalagak sa Malacanang hanggang Biyernes


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Dinala na sa Maynila nitong Huwebes ang mga labi ng pito sa walong nasawing sakay sa bumagsak na presidential chopper sa Ifugao. Sa magkakahiwalay na panayam ng GMANews.TV, sinabi nina Armed Forces information chief Lt. Col. Ernesto Torres at Air Forces spokesman Major Gerardo Zamudio, na dumating sa Villamor Air Base sa Pasay City nitong umaga ng Huwebes ang mga labi ng mga biktima. Sinabi ni Torres na binigyan ng arrival honors ang mga labi bago dinala sa Loyola Memorial Chapel sa Guadalupe, Makati. Pagkatapos nito ay dadalhin ang mga labi sa Heroes' Hall sa Malacañang para sa pagbibigay ng huling respeto ng mga kamag-anak, kaibigan at kasama sa trabaho. "Nakarating na. Nasa Loyola (Memorial Chapel) sa Guadalupe muna. Tapos mamaya dadalhin sila sa Malacañang Heroes' Hall," pahayag ni Zamudio. Miyerkules ng gabi nang opisyal na idineklara ng Malacanang na walang nakaligtas sa walong sakay ng helicopter. Iniulat na nawawala ang chopper noong Martes ng hapon nang hindi ito makarating sa Banaue, Ifugao sa itinakdang oras mula nang umalis sa Baguio City. Ang mga nasawi ay sina Press Undersecretary Jose Capadocia, presidential military aide Brig. Gen. Carlos Clet, Undersecretary for Presidential Engagements and Appointments Malou Frostrom, Presidential Management Staff assistant director Perlita Bandayanon, Navy Petty Officer 1 Demy Reyno, at Air Force Sergeant Roe Gem Perez. Nasawi rin sa trahedya ang mga piloto na sina Major Rolando Sacatani at Captain Alvin Alegata. Hapon nitong Miyerkules nang makita ang nasunog at nawasak na helicopter sa kabundukan sa hangganan ng Benguet at Ifugao Ang mga labi umano ni Perez ang pinakahuling nakita sa pinagbagsakan ng helicopter, ayon kay Torres. Inihayag naman ni Press Secretary Cerge Remonde na mananatili sa Heroes' Hall ng Malacanang ang mga labi ng mga biktima hanggang Biyernes bago dadaldhin sa kani-kanilang pamilya. Samantala, pinangunahan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang mga opisyal na nasa Baguio City na dumalo sa isang misa para sa mga nasawi sa trahedya. - GMANews.TV