ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bawat araw bangungot: Nagipit na 40 OFWs sa Maldives nakauwi na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Itinuturing bangungot ng may 40 overseas Filipino workers ang bawat araw na pananatili nila sa Maldives dahil sa miserableng buhay na kanilang naranasan sa kamay ng kanilang amo. Habang abala ang bansa sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong “Ondoy," dumating na mga OFW noong Oktubre 2 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sakay ng flight MH 704. Ang mga OFW ay sinalubong sa paliparan ni Sen Manny Villar na kabilang sa hiningan nila ng tulong. “Ang bawat araw sa Maldives ay bangungot. Pinabayaan kami ng aming employer. Wala nang suweldo, wala pang pagkain," kuwento ni Danny Catalon, kabilang sa mga umuwing OFWs. Dahil sa kawalan ng maiinom na malinis na tubig, napipilitan umano silang inumin ang sinahod na ulan na dumadaan sa filtration na may kiti-kiti, ipis at bulok na dahon. Sa pakikipag-ugnayan umano ng tanggapan ni Villar, inasikaso ng pamahalaan ng Maldives ang dokumentasyon at pagsagot sa pamasahe ng mga nagipit na OFWs para makauwi ng Pilipinas. Mula sa paliparan, ipinasuri sa duktor at pinakain ng senador ang mga OFW saka pinagkalooban ng pamasahe para makauwi sa kani-kanilang lalawigan. “Hindi rito nagtatapos ang laban nila, dapat tulungan silang makuha ang kanilang buong sahod at kompensasyon sa kanilang sinapit," ayon kay Villar, na nanawagan sa pamahalaan na tulungang makauwi ang natitirang mga Pinoy sa naghihirap sa Maldives. Sinabi ni Catalon na panis ang pagkain na ibinigay sa kanila ng kanilang employer na Ashley Alexis Builders Corporation. Kinalap ng local recruiting agency ang mga manggagawa bilang construction worker sa kumpanya at pinangakuan ng sahod na mula US$400 hanggang US$500 bawat buwan. Una rito, inihayag ng Department of Foreign Affairs na inatasan na nila ang Philippine Embassy sa Dhaka, Bangladesh na alamin ang kalagayan ng mga OFW na umaabot sa 60. Ang Philippine Embassy sa Bangladesh ang may consular jurisdiction sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa Maldives. Idinagdag naman ni Carmelita Dimzon, pinuno ng Overseas Workers Welfare Administration na inatasan din ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang local recruitment agency (Mayonview International Manpower Services) na kumuha sa mga OFW na tumulong sa pagpapauwi ng mga migranteng manggagawa. Tinulungan ng Migrante International ang naturang mga OFWs na nakatakdang maghain ng kaso sa October 15 laban sa employer at agency kaugnay sa umano’y paglabag sa kanilang kontrata at iba pang pang-aabuso. – GMANews.TV