ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DOH nagbabala sa mga ‘di magpapatupad ng price cut sa gamot


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nagbabala ang Department of Health laban sa mga botika na hindi magbabawas sa presyo ng mga gamot kasunod ng ikalawang bugso ng medicine price cut nitong Miyerkules. Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni DOH Secretary Esperanza Cabral na titiyakin niya na susunod sa itinatakda ng Cheaper Medicine Act ang mga botika kaugnay sa mga gamot na saklaw ng price cut sa ilalim ng nabanggit na batas. "May kaparusahan na multa kung’ di sila sumunod dito. Kung paulit ang complaint sa kanila pwedeng tanggalan ng lisensya at isara ang botika," babala ni Cabral. Idinagdag ng kalihim na maging ang mga ospital ay dapat sumunod sa kasunduan na magbababa rin ng presyo ng mga gamot.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa ilalim ng Section 35 ng Republic Act 9502, o mas kilala bilang Cheaper Medicines Act, ang mga hindi susunod sa batas ay magmumulta ng mula P100,000 hanggang P1 milyon. Ang mga botika na muling irereklamo ay maaaring suspindihin hanggang kanselahin ang license to operate (LTO), business o professional license. Inaprubahan na ng DOH ang 97 essential medicines na kasama sa second batch ng mga gamot na dapat ibenta sa mas murang presyo simula sa Marso 31. Ayon kay Cabral, kasama sa bagong listahan ng mga gamot ay para sa hypertension at chronic diseases, bladder at prostate disorders, hepatitis, asthma, depression, psychotic at mental disorders, gayundin ang ilang medical equipment at fluids para sa dialysis. Inaasahan din umano ng kalihim na bababa ang presyo ng mga gamot na asthma inhaler at skin medicine. Nang ipasa ang batas noong Agosto 2009, unang isinama sa compulsory compliance ang limang gamot, at 16 na iba pang essential medicines para sa voluntary compliance. "Magpapaskil kami ng poster sa drug outlet, botika at hospital (ng mga gamot na sakop ng price cut)," ayon kay Cabral. — GMANews.TV