ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Roxas wala raw karapatang solohin ang kredito ng cheap med law


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Hindi umano dapat angkinin ni Liberal Party vice presidential candidate Mar Roxas ang kredito sa pagbaba ng presyo ng mga gamot alinsunod sa ipinasang Cheaper Medicine Law. Kasabay nito, hinamon ng mga nagpakilalang orihinal na awtor ng panukala si Roxas na humarap sa debate at ipaliwanag ang umano’y P1 bilyong lobby money na inilabas ng mga foreign pharmaceutical companies para pahinain ang batas. Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi nina Iloilo Rep Ferjenel Biron at Iloilo vice governor Rolex Suplico, na dapat malaman ng publiko na ibang bersiyon ng panukala ang inihain ni Roxas na may kinalaman lamang sa importasyon ng mga gamot. Iginiit nila na Senate Bill 101 ang inihain ni Roxas na naglalayong ipatupad ang parallel drug importation na ang higit na nakinabang ay ang multinational companies. Sinabi sa pahayag na si Suplico, dating kongresista, ang orihinal na naghain ng bersiyon sa Kamara de Representantes ng cheaper medicine bill, at ipinagpatuloy ni Biron, na naging senior vice chair ng House committee on health. “Roxas should stop deceiving the people and should apologize to the Filipino for lying to them," ayon kay Suplico. “He killed the heart and soul of the bill I authored. How can he now say that he was the author of the cheaper medicine law when all he wanted was an amendment to the intellectual property law." Iginiit nila na pinahina ni Roxas ang batas nang ipaalis umano ni Roxas sa bicameral conference committee ang probisyon ng mandatory price control at ginawa na lamang umanong optional. Dahil dito, nalimitahan na lamang umano sa 22 essential medicine ang nasakop ng price control at nagkaroon din ng hangganan sa 50 percent sa ibabawas na presyo. “Naging bakla ang batas na ito. Sayang kinapon ni Senator Roxas ang Cheaper Medicines Act," reklamo ni Suplico. “Ang kontrabida ay pilit maging bida." Sinabi nina Suplico at Biron na handa silang harapan si Roxas anumang araw at saan mang lugar para pagdebatihan ang tungkol sa cheaper medicine law. Nauna ng sinabi ni Roxas na ginagamit lamang na black propaganda laban sa kanya ang naturang batas. “Cheaper medicine has been something I’ve fought for over ten years," pahayag ni Roxas. - GMANews.TV