ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tanod sa Bulacan, nakuryente habang nag-aayos ng trapiko


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nasawi habang gumaganap sa kanyang tungkulin ang isang 57-anyos na barangay tanod sa Pandi, Bulacan, makaraang madikit ito sa buhay na kawad ng kuryente mula sa isang poste na nabuwal matapos mabangga naman ng isang sasakyan. Batay sa ulat ng pulisya, tumulong sa pangangasiwa sa daloy ng trapiko ang nasawing si Pascual Gloryoso, barangay tanod ng Brgy Baka-bakahan sa Pandi, nang mabangga ng isang passenger jeepney at mabuwal ang isang poste ng Meralco kamakailan. Bumalagbag sa kalsada ang poste at lumaylay ang mga kawad nito na dahilan para maapektuhan ang daloy ng trapiko. Kaagad namang rumesponde sa lugar si Gloryoso, na 14 na taon nang nagsisilbi bilang tanod. Ngunit habang nagmamando ng trapiko, aksidente itong nakuryente nang mapadikit sa kawad na dahilan ng kanyang pagkamatay. Hinahanap naman ng pulisya ang drayber ng jeepney na kinilalang si Herminio De Guzman, residente ng Brgy. Baka-bakahan, na tumakas umano matapos ang insidente. - GMA News