ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mayor Sara Duterte, may pagkakamali sa ginawang pagsapak sa sheriff – DILG


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Lumitaw na guilty sa "conduct unbecoming of a public official" si Davao City mayor Sara Duterte kaugnay sa pagsuntok nito sa court sheriff ng lungsod, batay sa isinagawang imbestigasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG). Sa panayam ng media nitong Martes, sinabi ni Interior Secretary Jesse Robredo, na nakapaloob sa 18-pahinang ulat ng DILG fact-finding committee ang rekomendasyon na sampahan ng kasong administratibo si Duterte. Ito ay kaugnay sa ginawang pagsuntok ni Duterte kay Court sheriff Abe Andres noong Hulyo 1 nang maganap ang marahas na demolisyon sa nasabing lungsod. "Malinaw na may kasalanan si Mayor Duterte. Totoo pong may circumstances na mitigating pero ang action niya ay kasalan iyon," ayon kay Duterte. Ang naturang ulat ng fact-finding committee ay ipinadala na umano sa tanggapan ni Pangulong Benigno “Noynoy’ Aquino III. "While it is true that she did not say nor did she manifest anything that will show her defiance of the Writ of Demolition, as she in fact was only requesting for a two (2) hour extension, her acts of preventing the execution of the Order of Judge Carpio, particularly when she punched Sheriff Andres, could be an act of misconduct," nakasaad sa ulat. Nauunawaan umano ng DILG ang hangarin ni Duterte na maiwasan ang karahasan sa demolisyon pero hindi umano nararapat ang ginawa nitong pananakit kay Cruz. Bukod dito, lumitaw din sa ginawang pagsisiyasat ng DILG na may pagkukulang din ang lokal na korte sa Davao city kaugnay sa pagpapatupad ng kautusan tungkol sa demolisyon. "May problema din ang korte doon. Sinasabi sa batas na may 30 days notice pero hindi sinunod iyon dahil inapura. Kung sinunod ang notice baka hindi nagkita sina sheriff at si mayor," ayon kay Robredo. Nakasaad din sa ulat ng fact-finding committee ng DILG na dapat ikinunsidera ng korte ang "extraordinary external circumstances" sa lungsod na katatapos lang mapinsala ng flash flood. Sinabi ni Robredo na ipadadala ng DILG ang kopya ng ulat ng fact-finding sa Office of the Ombudsman dahil dito isinampa ng Sheriffs Confederation of the Philippines ang reklamo laban kay Duterte. Bukod dito, nahaharap din sa disbarment case si Duterte sa Integrated Bar of the Philippines. Sa kabila nito, sinabi ni Robredo na hindi pa rin masususpind sa ngayong si Duterte dahil wala namang pormal na reklamong inihahain sa DILG laban sa alkalde ng Davao city. Kasama rin sa rekomendasyon ng fact-finding committee na magkaroon ng koordinasyon ang DILG kay Supreme Court spokesman at court administrator Midas Marquez para malinawan ang usapin tungkol sa demolition operation alinsunod sa nakasaad sa Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992. – GMA News