Pagong, patay matapos masagasaan ng kotse sa Cabanatuan City!
Kalunos-lunos ang inabot ng isang pagong makaraang aksidenteng magulungan ng isang kotse sa binabahang kalsada sa Purok 5, Barangay Bantug Norte, Cabanatuan City. Ayon sa residenteng si Arnold Legaspi,nakita na lamang niya ang isang pagong na palutang lutang sa tubig baha habang inaanod ng alon ng tubig habang dumadaan ang mga sasakyan. Wasak ang pinaka-shell ng pagong dahil sa sobrang bigat ng sasakyang nakasagasa dito. Agad pa umano niyang dinampot ang pagong para sagipiin sa pag-aakalang buhay pa ito, pero nang mahawakan ay laking gulat na lamang niya nang makita ang wasak na katawan nito. Posible umanong nanirahan sa isang kanal na nasa gilid na habagi ng binabahang kalsada ang hindi pa matukoy na uri ng pagong. Dahil bumuhos ang malakas na ulan tumaas ang tubig sa kalsada at posibleng lumangoy ito hanggang sa mapadpad sa gitna ng kalsada kaya ito nasagasaan. Agad namang inihukay at inilibing sa isang bakanteng lote sa lugar ang naturang pagong.--Glamorfe L. Calicdan, GMANews