Magkapatid, hinihinalang nakidnap sa Urdaneta City
Pasado alas nuebe kaninang umaga, naaktuhan pa ng GMANews ang pagdulog sa himpilan ng pulisya sa Urdaneta City ni Manong Christopher Vidal. Dala-dala nito ang mga larawan ng dalawang anak na limang araw nang nawawala. Si Arian Ace Vidal, 15 anyos, at ang bunsong si Israel, apat na taong gulang, mga residente ng Barangay Dupac, Asingan, Pangasinan. Paalam daw ni Ace na pupunta sa lungsod ng Urdaneta, alas otso ng umaga noong huwebes⦠Dagdag pa ni Mang Christopher, tumawag din siya sa cellphone ng anak ngunit nakapatay na umano ito, bagay na nagpasidhi ng kanyang kaba. Dala umano ni Ace ang perang nagkakahalaga ng labing apat na libong piso na padala ng kaniyang inang nagtatrabaho sa Korea. Paalam nga daw nito na bibili ng damit ng kaniyang tatay pero hindi naman na ito nakabalik. Kinutuban din ang tatay na posibleng nakidnap ang mga anak dahil sa dalang pera, pero malakas pa rin ang kanyang loob na buhay at ligtas ang mga ito. Nalibot na halos ni Christopher ang mga istasyon ng pulisya upang humingi ng tulong sa paghahanap sa kaniyang mga anak. Tiniyak naman ng pulisya na aatensiyonan ang problemang idinulog sa kanilang tanggapan. --Glamorfe L. Calicdan, GMANews