ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lacson, kinuwestiyon ang pagkulong kay Garcia sa Bilibid


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinuwestiyon ni Senador Panfilo Lacson nitong Martes ang pagkabilanggo ng dating Armed Forces of the Philippines (AFP) comptroller na si Carlos Garcia sa New Bilibid Prison (NBP) kaugnay ng hatol sa kanya sa paglabag sa Articles of War. Ayon kay Lacson, dating kaklase ni Garcia sa Philippine Military Academy (Class 1971), lumabag si Garcia ng isang military violation kaya nararapat lamang na sa isang military facility siya manatili, hindi sa isang civilian facility tulad ng NBP. Ayon kay Lacson, mayroong mga sariling tradisyon at patakaran ang AFP para sa mga ganoong bagay. Sa panayam ng dwIZ radio, ani Locsin: "Ang place of detention, mayroon akong katanungan doon na dapat masagot. ‘Pag court martial, alam ko may sariling detention facility ang AFP at doon dapat ikinukulong ang nako-convict ng court-martial." Paghuli kay Garcia Noong nakaraang linggo, inaresto ng militar si Garcia dahil sa kanyang maling pagdeklara ng mga ari-arian at pati na rin sa kanyang pagtago sa pagiging US resident habang aktibo sa militar. Isinagawa ang aresto matapos aprubahan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang guilty verdict kay Garcia ng general court-martial noong Disyembre 2005. Dinala si Garcia sa NBP sa Muntinlupa City kung saan kinailangan niyang maglingkod ng dalawang taong pagkabilanggo. Antala sa paghatol Ayon kay Lacson, chairperson ng Senate defense committee, magkakaroon ng imbestigasyon kung bakit ngayon lang nagkaroon ng implementasyon ng sentensiya kay Garcia, bagamat ang hatol ay naganap pa sa administrasyon ni dating Pangulo at dating commander-in-chief Gloria Macapagal-Arroyo. Ngunit inamin naman ni Lacson na wala siyang kongkretong ebidensiya na inupuan nga ni Mrs. Arroyo ang hatol kay Garcia. Ayon kay Lacson, ang Department of National Defense (DND) ang inutusan na magbigay ng hatol sa kaso, hindi ang pangulo. Aniya, “Ang pinakahuling information mukhang natulog ito sa DND mismo. Ilan ang Secretary of National Defense na dumaan hindi ito umalis ng DND. So 'yan dapat ang tingnan. I-trace muna saan natulog ang papel, ang conviction na ibinigay ng court-martial laban kay Garcia," Ayon kay Lacson, kanilang isisiyasat kung mayroong deadline ang paghatol sa laws governing court-martial at kung kailan ito dapat ipasa sa commander-in-chief para sa magiging hatol. Dagdag pa niya, dapat mayroong probisyon kung saan may deadline ang pag-aksyon sa isang court-martial kung hindi ito hahatulan agad ng commander-in-chief. “Baka out of date ang batas. Ang Commonwealth Act No. 1 at amending laws, baka may mali rin sa batas. Kaya sa aspeto ng (Senate) committee on national defense and security pwede ito tingnan, pero sa punto kung saan pwede baguhin ang magkaroon ng legislation tungkol dito," aniya. “Dapat siguro pag conviction ng court-martial meron ding panahon na hindi forever. May panahon na kailangan padala ito sa opisina ng commander-in-chief," dagdag pa ni Lacson. — AF/RSJ, GMA News