PAWS, nagsagawa ng relief ops para sa mga hayop na apektado ng baha
Nagsagawa ng relief operation ang animal rights activist na Philippine Animal Welfare Society (PAWS) para sa ilang mga alagang hayop na apektado sa pinsalang dulot ng malawakang pagbaha sa Hagonoy, Bulacan, ayon sa ulat sa "Balitanghali" ng GMA News TV. Kabilang sa mga natulungan ay ang asong si Mikee na ilang araw na umanong naiwan sa bubong ng bahay. "Hinahagisan namin ng pagkain sa yero pero pagod na pagod na sila," pahayag ni Lucy Rubio, tagapag-alaga ni Mikee. Binigyan ng pagkain, chineck-up at pina-inom ng bitamina ng PAWS ang mga hayop na kanilang tinulungan. "'Yung ibang mga aso, ang tagal na daw nila nandoon. For days, walang pagkain tapos nauulanan, walang shelter. Of course hindi na nating makaka-ila na pati ang mga tao, ganoon din ang sitwasyon pero it's much worse for the animals. 'Yung mga tao who cares for the animals, 'yung mga rasyon nila ng pagkain, hinahati pa para makasama nila aso nila," pahayag ni Ana Cabrera, executive director ng PAWS.