ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lote ng mga Marcos sa San Juan, kinumpiska ng PCGG


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Kinumpiska ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang loteng pag-aari ng pamilya Marcos sa San Juan City na may sukat na1,584 square meter. Ang pagkumpiska ay ginawa ng PCGG para mapuno ang judgment cost na umaabot ng P43.8 milyon na ipinataw ng Sandiganbayan sa pumanaw na dating pangulong Ferdinand Marcos dahil sa umano’y pagsimot sa pondo ng National Food Authority noong 1983. Nakatuon din ang atensiyon ng PCGG para sa posibleng pagkumpiska sa dalawa pang lote ng mga Marcos sa San Juan na may sukat na 864 sq.m. sa P. Gueverra corner Maude Streets, at 932 sq.m. sa Claro M. Recto Street. Isang alias writ of execution ang ipinalabas ng Sandiganbayan Fifth Division noong September 20, 2011 para sa naturang mga ari-arian matapos mabigo ang anti-graft court na maisilbi kay Ilocos Norte Rep Imelda Marcos ang original writ. Ipinaalam ni Albert A. dela Cruz, acting chief judicial staff officer ng Sandiganbayan, na nabigo sila ni sheriff Honofre Tejada Jr. na makita si Rep Marcos sa mga address nito sa Global City, Taguig at San Juan City. Nang magtungo sa tanggapan ni Rep Marcos sa Batasan Pambansa sa Quezon City, inabisuhan umano sila ng tauhan ng kongresista na nasa Ilocos Norte ang dating Unang Ginang. Sa pakikipag-ugnayan kay PCGG Commissioner Gerald Mosquera, naghain ang opisyal ng Sandiganbayan ng notice of levy sa tatlong lote sa Registry of Deeds sa San Juan City noong Oktubre 13. Gayunman, ang may pinakamalaking sukat lang umano ang nasa hurisdiksiyon ng San Juan, samantalang ang dalawang iba pang lote ay dapat iberipika sa Registry of Deeds ng katabing Mandaluyong City. Una rito, nagpalabas ng desisyon ang Sandiganbayan noong September 9, 2010, na nag-aatas kay Rep. Marcos na palitan o ibalik sa pamahalaan ang P10 milyong pondo ng NFA na lihim umanong inilipat sa private account sa pumanaw nitong mister noong 1983. Kasama sa kautusan ang pagbabayad ng mga penalties at interest sa naturang halaga sa loob ng nakalipas na 28 taon na umaabot sa P33.8 milyon, batay sa kuwenta ni Rodito C. Laggui Jr., accountant ng Sandiganbayan. - GMA News