ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulis na lasing daw sa alak, nagulpi ng mga istambay sa Pangasinan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
BALITANG AMIANAN – Bugbog-sarado ang isang pulis at kapatid nito matapos silang kuyugin ng mga tambay sa Brgy Nilombot, Mapandan, Pangasinan nitong Huwebes ng gabi. Bago maganap ang kaguluhan, sinabing pinaputukan ng baril ng inirereklamong si Police Officer 1 Claro Velasco, nakatalaga sa Santo Tomas, Pangasinan, ang biktimang si Benigno Visperas at kapatid nito. Kwento ni Visperas, patungo sila ng kanyang kapatid sa isang lamayan sakay ng isang tricycle nang harangin sila ni Velasco na umano’y lasing sa alak. Niyaya umano silang uminom ngunit nang tumanggi ay pinaputukan na sila ng baril. “Hindi ko kilala yung tao, yung hinarang kami sabi niya, ‘pulis ako.’ Tapos lasing na lasing, nung tinatanong ko siya, bigla akong pinaputukan ng baril," sumbong ni Visperas. Mabuti na lamang umano na nakailag siya at nakipag-agawan ng baril sa inirereklamong pulis. Ayon sa imbestigador na si SPO1 Jeffrey Natividad, batay sa kwento ni Visperas, sumaklolo na ang mga nakaistambay sa lugar nang maagaw na ang baril kay Velasco at nagulpi ito kasama ang kapatid. Tumangging magbigay ng pahayag sa harap ng camera ang pulis tungkol sa reklamo laban sa kanya. Gayunman, itinanggi niya na hinarang niya ang mga nakasakay sa tricycle at sa halip ay pinapadahan-dahan lamang umano niya. Desidido naman ang biktima na sampahan ng kaso ang pulis. – Balitang Amianan