ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kampanya vs domestic violence, pinag-igting sa isang barangay sa Cebu City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sama-samang tinutugunan ngayon ng ilang grupo sa isang barangay sa Cebu City ang problemang domestic violence kung saan karamihan umano sa mga biktima ay babae, ayon sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Lunes. Ayon sa tala ng Philippine National Police, umabot sa 15,000 ang biktima ng domestic violence sa buong bansa nitong nakaraang taon. Sa Brgy. Luz sa Cebu City, nagtutulungan ang ilang grupo upang bigyang kalinga ang mga kababaihang nakaranas ng pang-aabuso sa kamay ng kanilang mga kapareha. Ayon sa datos, laganap umano ang kababaihang naging biktima ng domestic violence sa Brgy. Luz noong 2008 hanggang 2010. Kamakailan lamang, isinagawa sa Brgy. Luz ang kauna-unahang Justice and Healing Forum sa pagtutulungan ng iba’t ibang non-governmental organizations (NGO) tulad ng Lihok Filipina Foundation at Womenlead Foundation. Napili umano ang Brgy. Luz dahil sa maayos na kampanya nito laban sa mga pang-aabuso sa kababaihan. Ayon kay Maynard Salinguhay, administrator ng Brgy. Luz, mas marami nang babae ang nagpupunta sa kanilang tanggapan mula nang paigtingin ang kampanya laban sa domestic violence. "May mga babaeng pabalik-balik dito sa Barangay Hall dahil binubugbog daw sila. Siguro dahil justice lang ang ibinibigay natin sa kanila at hindi ang healing process," aniya. Ayon sa Womenlead Foundation, mahaba ang proseso sa pagbibigay hustisya at pagtulong upang humilom ang sugat ng pang-aabuso. Handa raw tumulong ang grupo sa mga biktima sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal service, temporary shelter, counseling, at iba pang suporta. Ayon kay Atty. Leazides Domingo-Cabarrubias, miyembro ng Womenlead Foundation, "Magsimula doon mismo sa pag-alam ng babae sa kanyang karapatan and remedies hanggang doon sa response ng barangay, response ng persecutor, the judges. So, it's not really after care." Matapos umano ang pagbisita sa Brgy. Luz, bibisitahin din ng Womenlead Foundation ang iba't ibang baranggay sa bansa. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News