Parada ng Fil-Indians sa Pangasinan, naging makulay
Umagaw ng atensyon ng mga tao ang makulay na parada ng daan-daang Filipino-Indian nationals na ginawa sa lungsod ng Dagupan sa Pangasinan. Naging kapansin-pansin ang matitingkad at makukulay na damit ng mga pumarada na nanggaling pa sa iba’t-ibang bahagi ng Pangasinan. Pagkatapos ng pagdarasal, namigay sila ng mga pangmeryenda sa mga taong kanilang nasasalubong. Ito ang kanilang taunang pagdiriwang ng Gurupurab. “Para sa mga brothers and sisters natin na hindi talaga nila alam yung kanta ng Indiawe just show how we pray and how we offer to our god," sabi ni Ashok Vasandhani, presidente ng Fil-Indian Community. Bahagi ng kanilang tradisyon ang paglalakad nang nakayapak at pagwawalis sa daraanan ng kanilang mga religious leader. Taimtim silang nanalangin at naghahandog ng mga awitin bilang pagpupugay sa Diyos. Sa pamamagitan ng Gurupurab, nais din ng mga Fil-Indian na maipakilala sa mga Pilipino ang kanilang mga tradisyon. “Kaya kami nagsama-sama na Fil-Indian para mag-exchange kami ng warnings kung ano ‘yung nasa culture nila na maganda we will adapt at kung ano naman yung culture namin you can also adapt," dagdag pa ni Vasandhani. Kaya naman ang taunang Gurupurab, hindi na lang simpleng tradisyon, kundi paraan na rin para mapagbuklod ang mga Pinoy at Fil-Indian Community – ICA, Glam Calicdan/FRJ, GMA News