ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Proteksiyon ng gobyerno, hiniling ni Janelle Manahan
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Pormal na hiniling ni Janelle Manahan na ilagay siya sa witness protection program (WPP) ng Department of Justice, kaugnay sa pagpatay sa kanyang nobyong aktor na si Ram Revilla. Ginawa ni Manahan ang kahilingan, ilang araw matapos siyang makalabas ng ospital kunsaan sumailalim siya sa operasyon dahil sa tinamong tama ng bala sa mukha. Sa sulat na isinumite sa DOJ ng kanyang abogado na si Restituto Mendoza, sinabi nito na patuloy na nangangamba sa kanyang buhay si Manahan lalo pa’t nakalalaya ang isa sa mga suspek sa pagpaslang kay Ram (Ramgen Bautista sa tunay na buhay). "[May this letter serve as an] urgent motion from her family... She is still in fear of her life," pahayag ni Mendoza na umaasang mabilis itong aaksyunan ng DOJ. Sinabi pa ni Mendoza na sa ngayon ay mga pulis mula sa "Task Force Ramgen" ang nagbibigay ng proteksiyon kay Manahan na dinala sa isang “safehouse." Si Manahan ay kasama ni Revilla sa kanyang bahay sa Paranaque noong Oktubre 28, nang pasukin sila ng salarin na may suot na maskara. Inaasahan na sa Biyernes ay maisusumite ni Manahan ang kanyang sinumpaang salaysay upang “linawin" ang aspeto ng pera at away ng magkakapatid na pinapaniwalaan ng pulisya na motibo sa pagpatay kay Revilla at malubhang pagkakasugat kay Manahan. Itinurong suspek ng pulisya sa krimen ang mga kapatid ng biktima na sina Ramon Joseph o RJ at Ramona. Si RJ ay nasa kostudiya na ng pulisya habang nakalabas ng bansa si Ramona. Kasunod nito, idinadawit na rin ng pulisya ang isa pang kapatid na si Maria Ragelyn Gail Bautista at mister nito. Naunang pinabulaanan ng magkakapatid at kanilang ina na si Genelyn Magsaysay na may kinalaman sila sa pagpatay kay Ram. -- FRJ, GMA News
Tags: janellemanahan, ramrevilla
More Videos
Most Popular