ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Umanoy’ ‘missing link’ sa Ram Revilla case, lumutang
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Lumutang na ang sinasabing “missing link" at isa sa mga suspek sa pagpatay sa dating aktor na si Ramgen o Ram Revilla. Pero iginiit ni Ryan Pastera na hindi siya ang Alyas Bryan na idinadawit ng pulisya sa naturang krimen. Sa ulat ni GMA News reporter Saleema Refran sa GMA News TV SONA nitong Biyernes, sinabing hapon nang dumating si Pastera sa Paranaque Prosecutors’ Office at sinamahan ito ng mga ahente ng National Bureau of Investigation. Personal na sinumpaan ni Pastera ang kanyang salaysay para itanggi ang kasong murder at frustrated murder na isinampa laban sa kanya. Giit ni Pastera, hindi siya ang Alyas Bryan na sinasabi ng iba pang suspek at ilang testigo na direktang may kaugnayan sa utak sa pagpatay kay Revilla. Batay sa mga naunang ulat, sinabing si Alyas Bryan ang inutusan ng mastermind na isagawa ang pagpatay kay Revilla na naganap sa mismong tahanan ng biktima sa Paranaque. Nanindigan si Atty Melinda Salcedo, abogado ni Pastera, na inosente ang kanyang kliyente. Ngunit ang kampo ng pulisya at ang abogado ni Janelle Manahan, nakaligtas sa krimen, wala silang nakikitang epekto sa kaso sa kabila ng pagtanggi ni Pastera na siya si Alyas Bryan. Katunayan, sinabi ni Police Chief Inspector Enrique Sy, hepe ng Task Force Ramgen, na walang isinumiteng alibi si Pastera tungkol sa kinaroroonan ni Alyas Bryan. Sinabi naman ni Atty Argee Guevarra, abogado ni Manahan, si Pastera pa rin ang “missing link" para malaman ang pagplano at pagtukoy sa utak sa pagpatay kay Revilla. Inihayag naman abogado ng isa pang akusado na si Gliaza Visda, na kikilalanin ng kanyang kliyente sa susunod na linggo si Pastera sa isasagawang preliminary hearing. Sa impormasyon na nakalap ng GMA News, sinabing lumapit ang pamilya ni Pastera sa NBI para samahan ito sa piskalya nitong Biyernes. Ngunit iginiit ng NBI na wala sa kanilang kostudiya si Pastera. Gayunman, ipinagtaka ni Guevarra kung bakit ang NBI ang nag-excort kay Pastera na itinuturing akusado sa isang krimen. -- FRJ, GMA News
Tags: ramrevilla, ramgen
More Videos
Most Popular