Proteksyon ng mga hayop vs paputok ipinanawagan
Nagsanib-puwersa ang mga grupong EcoWaste Coalition at Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa Manila Zoo nitong Miyerkules ng umaga upang ipanawagan sa publiko na protektahan ang mga hayop mula sa pinsalang dulot ng mga paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez para sa 'Balitanghali' ng GMA News TV, inihayag ng dalawang grupo na hindi lamang tao at kapaligiran ang apektado ng masamang epekto ng mga paputok kundi pati na rin mga hayop. Anila, nasisindak at nagkakasakit ang mga hayop mula sa ingay, usok at ilaw ng mga paputok. Tumataas din daw ang bilang ng mga kaso ng pagmamalupit sa hayop sa ganitong panahon. Ayon sa ulat, may ilang mga taong pinagdidiskitahan ang mga hayop sa pamamagitan ng pagtali sa kanila ng mga paputok. May isang kaso na rin umano kung saan ang isang nakataling aso sa labas ng bahay ay nabigti matapos siyang magpaikot-ikot sa tindi ng takot sa mga paputok. Payo ng PAWS, upang mapangalagaan ang mga hayop sa oras ng putukan, ipasok na lamang ang mga ito sa loob ng isang tahimik na kwarto upang hindi nila marinig ang ingay sa labas at pati na rin upang hindi nila malanghap ang delikadong usok mula sa mga paputok. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News