ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspek, pulis din: Pulis patay, 1 pa sugatan sa engkuwentro sa Quezon City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang pulis, habang malubhang nasugatan ang kanyang kasamahan matapos silang pagbabarilin ng mga lalaki habang patungo sa isang pinaniniwalaang imbakan ng mga paputok sa Quezon City nitong Huwebes. Ayon kay Chief Superintendent George Regis, pinuno ng Quezon City Police, isang pulis na nakatalaga sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang dinakip ng mga rumespondeng pulis ng Q.C. Sa panayam ng dzBB radio, kinilala ni Regis ang nasawing pulis na si PO2 Bernard Quintero, habang nasugatan naman si PO3 Jessie Adajar. Nagtungo umano ang dalawa sa Fairmont Subdivision sa Fairview, Q.C. para alamin ang natanggap na impormasyon na mayroon nagbebente ng mga ilegal na paputok sa lugar. Ngunit pagdating sa pakay na lugar, pinagbabaril umano ang dalawa ng mga armadong lalaki. Hindi rin kaagad nakalapit sa lugar kung saan nakatago ang mga paputok dahil na rin sa mataas na kalibre ng baril na gamit ng mga suspek. Kasunod nito, dinakip ng mga operatiba ang isang lalaki na sinasabing pulis mula sa ARMM at pati na mga itinuturing may-ari ng mga paputok. Ayon kay Regis, pumanaw si Quintero habang ginagamot sa Far Eastern University Hospital dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at katawan. Nakuha sa pinangyarihan ng engkuwentro ang mga basyo ng bala mula sa cal-.45 baril at M-16 Armalite rifle, na indikasyon na mataas ang kalibre ng mga baril ang dala ng mga nakasagupa ng mga pulis. Nakumpiska naman ang iba’t ibang uri ng paputok sa lugar na halos hindi na magkasya sa isang Elf-type closed van. Sa kabila ng nangyaring insidente, sinabi ni Regis na ipagpapatuloy nila ang kampanya laban sa ilegal na mga paputok bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Benigno Aquino III. Kasabay nito, tinutugis na ng mga awtoridad ang mga armadong lalaki na nakasagupa ng mga pulis na tinatayang hindi bababa sa walong tao. -- FRJ, GMA News