Abad, humingi ng paumanhin: DBM, binatikos ni Sen Revilla sa maling datos ng kanyang pork barrel funds
Binatikos ni Senador Ramon “Bong" Revilla Jr., ang Department of Budget and Management (DBM) dahil sa maling datos ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel funds na inilabas sa website ng ahensiya. Sa isang pahayag nitong Miyerkules, iginiit ni Revilla na P5 milyon lamang ang inilaan niyang pondo sa pagbili ng 23 multicabs. Taliwas ito sa nakalagay sa website ng DBM na P115 milyon para sa 529 multicabs. “Walang acquisition ng 529 multicabs para sa Cavite. The report reflected that entry 23 times. Kaya yung 5 million, naging 115 million," paliwanag ng senador. Nais ni Revilla na maitama ang naturang datos dahil posibleng paghinalaan umano na nilulustay niya ang pondo. Ang bawat senador ay nakatatanggap ng hindi bababa sa P120 milyong pork barrel funds bawat taon. “Dapat linawin ito ng DBM. Lumalabas tuloy na napalaki masyado ng PDAF ko kaysa sa aking mga kasamahan. Dapat nilang itama ito dahil lumalabas sa ulat na nadagdagan ito ng P110 milyon," ayon kay Revilla. Batay sa listahan ng paggamit ng senador ng kanyang PDAF, lumilitaw na karamihan sa mga alokasyon (P45 milyon) ay napunta sa financial at medical assistance sa buong bansa at hindi sa pagbili ng patrol vehicles. Nagkamali kami-- Abad Aminado naman si DBM Sec Florencio “Butch" Abad na nagkaroon ng “technical glitch" sa pagsuma ng alokasyon sa pondo ng mga senador partikular kay Revilla na kanilang nailagay sa website ng DBM. Dahil dito, humingi ng paumanhin kay Revilla si Abad na kabilang sa mga tinukoy noon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na may interes na tumakbong senador sa 2013 elections. “We apologize to the public and to Senator Revilla for the confusion caused by the error in our published report. We place a very high premium on the publication of accurate data in our website, and we have taken steps to fix the inaccuracies and ensure that similar mistakes do not happen in the future," nakasaad sa pahayag ng kalihim. - ER/FRJ, GMA News