Bangkay sa loob ng trolley bag, natagpuan sa NAIA parking lot
Natagpuang nakasilid sa isang maleta ang bangkay ng isang babae sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City nitong Miyerkules ng umaga. Ayon sa police report, natagpuan ng isang security guard ang maleta sa car park 1, south control point ng NAIA terminal 2. Sa ulat naman ni Emil Sumangil para sa Balitanghali, agad umanong pinatawag ng security guard ang Special Operations Unit ng Aviation Security Group ng Philippine National Police (PNP). Nang buksan ang maleta, laking gulat ng grupo nang makita nila ang bangkay ng isang babaeng nakasuot ng asul na blouse at itim na pantalon. Mahigit kumulang 25-taong gulang na ang biktima, ayon sa ulat. Dagdag pa nito, tila binugbog umano ang babae bago tuluyang inilagay sa maleta. Sa hiwalay na ulat naman ni Denver Trinidad para sa radio dzBB, kasalakuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Scene of the Crime Operations (SOCO) upang malaman ang identidad ng biktima at sa pumatay. Inihayag ng mga pulis na maaaring pamilyar ang pumatay sa panuntunan ng NAIA sapagkat iniwan ang maleta sa parking lot, kung saan walang closed-circuit TV cameras ng NAIA ang matatagpuan.