ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Galaw ng RH bill sa Kongreso, pinababantayan sa harap ng impeachment trial ni Corona


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa harap ng pagiging abala ng publiko sa pagtutok sa impeachment trial ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona, nanawagan ang isang opisyal ng Simbahang Katoliko na batayan ang kontrobersiyal na Reproductive Health bill na nakabinbin pa rin sa Kongreso. Sa panayam ng isang himpilan ng radyo, nagpahayag ng pangamba si Rev. Fr. Melvin Castro, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life, na baka biglang maipasa ang naturang panukala. Ayon kay Fr. Castro, kung nagawa ng mga kongresista na mabilis na mailusot ang articles of impeachment ni Corona nang walang ginawang debate, kaya rin nila itong gawin sa RH bill. “Habang nakatutok ang lahat sa impeachment, ang pakiusap ko rin sa mga mananampalataya at sa mga pro-family, pro-lifers natin na sa gitna nitong trial ng Chief Justice ay huwag nating kalimutan na diretso ang interpellation ng RH bill sa Senate sa morning session nila," pahayag ni Castro sa panayam ng Radyo Veritas nitong Biyernes. Ang Senado ang tumatayong impeachment court sa paglilitis kay Corona, habang ang mga kongresista naman ang mga taga-usig para mapatalsik sa puwesto ang punong mahistrado. Samantala, iginiit naman ni Sister Pilar Versoza, founder ng Pro-Life Philippines, na dapat isulong ng pamahalaan ang malawakang education campaign hinggil sa sexuality at dignidad ng tao sa harap ng tumataas ng kaso ng mga nagkakaroon ng HIV-AIDS sa bansa. Sa halip na isulong umano ng gobyerno ang paggamit ng mga artificial contraceptives gaya ng condom na nakapaloob sa RH bill para makaiwas sa nakamamatay na sakit, sinabi ni Versoza na dapat ituro sa mga Pilipino ang tamang pagturing sa sekswalidad at kahalagahan ng moralidad. “Dapat matindi ang education campaign, abstinence program. Ipaliwanag sa mga tao kung ano ang ibig sabihin ng sexuality, yung kahalagahan ng relationship, ng dignidad ng isang tao," paliwanag ni Versoza. - MP/FRJ, GMA News