Drilon, ‘di mag-i-inhibit sa impeachment trial ni Corona
Sa kabila ng alegasyon na pumapanig siya sa prosekusyon, sinabi ni Sen. Franklin Drilon na hindi niya pagbibigyan ang hiling ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona na mag-inhibit siya sa impeachment trial. “I won’t inhibit because there is no basis of the motion for inhibition," patungkol ni Drilon sa inihing mosyon ng kampo ng depensa. Sinabi ng senador na walang nakasaad sa Rules of Impeachment na puwedeng mag-inhibit ang isang miyembro ng impeachment court. Si Drilon ay kasapi ng Liberal Party (LP) na kinabibilangan nina Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, at Iloilo Rep. Niel Tupas, na tumatayong lider ng House prosecution panel. Ang posisyon ni Drilon ay sinuportahan naman ng magkapatid na sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Sen Pia Cayetano, na kapwa miyembro ng Nacionalista Party, na pinamumunuan ni Sen Manny Villar. “Walang sinasabi sa Rules na puwedeng ipanawagan ang sinuman sa inhibition ng isang partikular na senador kahit pa konsultahin nila ang ginamit na teorya sa impeachment sa Amerika," ayon kay Sen (Pia) Cayetano. Bagaman puwedeng may humirit na mag-inhibit ang isang senador, sinabi naman ng Minority leader na hindi ito puwedeng aksyunan ng kapulungan bilang impeachment court. Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, tatalakayin pa rin nila ang mosyon ng depensa sa susunod na linggo. Samantala, nais naman ni Sen. Francis Escudero, na magkaroon ng paglilinaw kung hanggang saan ang puwedeng sakupin ng ginagawang paglilitis kay Corona pagdating sa panahon kung kailan nakamit ng punong mahistrado ang umano’y mga yaman nito. Nais ni Escudero na magpasya ang impeachment court kung dapat din bang usisain ang mga yaman na nakamit ni Corona bago pa man siya naging miyembro ng Korte Suprema. “Maaari po bang magtanong kung hanggang saan po tayo dapat tumakay sa panahon na tinutukoy sa paghahain ng kaso kay Chief Justice Renato Corona because he was impeached as the chief justice," ayon kay Escudero. Sa kaso ng mga mambabatas na inirereklamo sa Ethics Committee, ang isang mambabatas ay maaari lamang imbestigahan kung ang nagawa nitong kasalanan ay naganap sa panahon ng kanyang termino bilang mambabatas. Ang pinakamabigat na parusahang maaaring ipataw sa isang mambabatas na nahaharap sa Ethics case ay pagkakasibak sa puwesto. -- RE/FRJ, GMA News