Lito Lapid nagsalita sa kauna-unahang pagkakataon sa impeachment trial ni Corona
Sa kanyang unang pagsasalita sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, kinuwestiyon ni Sen. Lito Lapid nitong Miyerkules ang intensiyon ng mga prosecutor sa pagtatanong nila sa isa nilang witness mula sa Securities and Exchange Commission (SEC). Ipinrisinta ng prosecution si SEC Company Registration and Monitoring Department director Benito Cataran upang tumestigo sa tinanggap na P11-milyong loan ni Corona mula sa kumpanyang Basa-Guidote Enterprises Inc. noong 2003. Lumalabas na noong 2003 ay tinanggalan ng lisensiya ng SEC ang naturang kumpanya, bagama’t ayon sa ilang senador hindi ito nangangahulugang hindi na ito puwedeng magpautang. Dahil dito, nagkaroon ng mahabang debate tungkol sa kung maaari bang ipagpatuloy ng kumpanya ang operasyon kahit binawi na ang lisensiya nito. Matapos bumaba si Cataran sa witness stand, tumayo si Lapid at tinanong ang prosecution kung ano ang pinagkaiba ng loan sa cash advance. "Ang nakalagay po sa [Statement of Assets, Liabilities and Net Worth] ni CJ Corona [ay] nag-cash advance siya ng P11 million. Ano po ang diperensya or pagkakaiba ng cash advance sa utang?" aniya. Sagot naman ni House prosecutor Rep. Reynaldo Umali, nais din nila itong malaman. "Hindi namin maintindihan, hindi naman po shareholder si CJ Corona, maging si Cristina Corona pero nagka-cash advance po sila dito," aniya. Si Cristina ay ang asawa ni Corona. Ayon naman kay Lapid, "So ibig ninyo pong sabihin, tanung-tanong kayo... ilang oras na tayo dito, ‘yan lang ang gusto ninyong sabihin, ‘yung P11 million na inutang… [kung] kinash advance o ni-loan?" Sabi ni Umali, nais lamang nilang malaman kung bakit inilista si Mrs. Corona sa real estate business kung wala naman siyang record sa SEC at Bureau of Internal Revenue. “Kaya po ito ay nakapagtataka. Saan nanggaling ito? Ito po ang tinatanong po namin, ito po ang ine-establish namin, ito po ay unexplained wealth," aniya. Humirit naman si Senate President Juan Ponce Enrile, ang presiding officer sa impeachment trial, sa pahayag ni Umali. "May I caution everybody to respect the rulings of this court? We have already ruled that Paragraph 2.4 is not permissible to receive any proof. So kindly adhere to the rules of this court," aniya. "I thought there is already a resolution denying the prosecution from presenting evidence of unexplained wealth very clearly," dagdag ni lead defense counsel Serafin Cuevas. Giit ni Umali, non-disclosure of SALN ang kanyang tinutukoy at hindi unexplained wealth. Inaakusahan si Corona sa Article II ng Articles of Impeachment ng pagtatago sa kanyang SALN. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News