Rights group hinamon ng AFP na ilabas ang pangalan ng 'Palparan protector'
Hinamon ng Armed Forces of the Philippines nitong Miyerkules ang grupong Human Rights Watch na pangalanan ang isang military personnel na tumutulong umano kay retired Army Maj. Gen. Jovito Palparan na nadawit sa pagkawala ng dalawang student activists noong 2006. “We challenge them to submit names, you file a complaint and this will be addressed by the Armed Forces of the Philippines,” ani AFP spokesman Col. Arnulfo Marcelo Burgos sa isang press briefing sa Camp Aguinaldo. Inihayag ni Burgos ang hamon matapos magpasaring si Elaine Pearson, deputy Asia director ng Human Rights Watch (HRW), kay Pangulong Benigno Aquino III na umano'y may protector si Palparan sa loob ng AFP. Dagdag pa niya, hiniling na niya kay Pangulong Aquino na utusan ang AFP na makipag-ugnayan sa civillian authorities para sa prosecution kay Palparan. Giit ni Burgos, hindi umano sila nagbibigay proteksyon sa mga pinaghihinalaang kriminal kahit na dati silang miyembro ng militar. “We have the Human Rights Office that can take charge of the complaint,” aniya. Nagtatago si Palparan matapos maghain ng arrest warrant laban sa kanya ang Regional Trial Court Branch 14 ng Malolos, Bulacan, kaugnay sa pagdukot at pagkawala ng dalawang University of the Philippines students mahigit limang taon na ang nakalilipas. Si Palparan ang commander ng 7th Infantry Division na nakabase sa Central Luzon noong dinukot sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan. Samantala, inihayag naman ng isang state prosecutor na maghahain sila sa linggong ito ng mosyon na magpabasura sa inihaing pleadings ng law firm ni Atty. Jesus Santos, na nagrerepresenta umano kay Palparan. Dating abugado ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo si Santos, na nagpakilala bilang co-councel ni Palparan kay Judge Teodora Gonzales ng Malolos RTC Branch 14. Sa isang panayam nitong Miyerkules, inihayag ni state prosecutor Juan Pedro Navera na hiniling niyang ibasura ang manifestation na inihain ni Santos na naghahayag na abugado umano siya ni Palparan. Ayon kay Navera, ilan sa mga inihain na pleadings ni Santos ay ang mosyon na humihiling sa pagpapawalang-bisa ng arrest warrant laban kay Palparan at sa dalawa pang akusado; mosyon sa pagbabasura ng hold-departure order; at mosyon sa pag-suspend ng mga proceeding ng RTC. Ayon sa prosecutors, pagdedebatihan ang mga bagay na ito sa susunod na pagdinig ng kaso sa darating na Peb. 6. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News