Dating konsehal ng Malasiqui, arestado sa kasong carnapping
Matapos matanggap ang warrant of arrest na ipinalabas ng korte, agad na ikinasa ng San Carlos City Police ang pag-aresto sa isang dating konsehal ng Malasiqui, Pangasinan na nahaharap sa kasong carnapping. Sa tulong ng Malasiqui Police, naaresto ang 56-anyos na si Canuto Mendoza matapos ang tatlong oras na operasyon, ayon kay P/Insp. Gerardo Macaraeg, Jr. Chief, Intelligence Section, San Carlos City PNP. Iginiit naman ng kampo ni Mendoza na nabayaran na ang motorsiklo na hinahabol sa dating local official. Ngunit naging problema lang umano na hindi nabawi ng piskalya ang naturang kaso. Pangatlo na umano si Mendoza sa napuntahan ng motorsiklo. Hinihintay na lang daw nila ang ORCR ng sasakyan pero ang dumating ay warrant of arrest. “May pinirmahan yung 3rd party. Ibinigay yung motorsiklo to pay his debt sa akin," pahayag ni Mendoza. Gayunpaman, tumalima pa rin sa batas ang akusado at nagpiyansa ng P180, 000 para sa kaniyang pansamantalang kalayaan. – CUTorida/ GLCalicdan/FRJ, GMA News