ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Visa processing sa mga Pinoy household service worker sa KSA, itutuloy na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
JEDDAH – Inaasahan na masisimulan na muli ngayong Pebrero ang pagproseso ng mga employment contract para sa mga household service workers (HSW) na ipinatigil ng pamahalaan ng Saudi Arabia noong nakaraang taon. Sa panayam kay Labor Attaché Vicente Cabe ng Philippine Overseas Labor Office (POLO-Jeddah), sinabi nito na natapos na ang pag-uusap sa antas ng technical working committee ng dalawang bansa tungkol sa nasabing usapin. Ang napagkasunduan ay inaprubahan na umano ng embahador ng KSA at Pilipinas, at maging ng Department of Labor and Employment (DOLE). Gayunman, kailangan pa muna itong masuri at maaprubahan ng governing board ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Ministry of Labor ng KSA. Ilan sa mga nakapaloob sa kategorya ng HSW ay ang mga domestic helper, family driver, private nurse at iba pang trabaho na may kinalaman sa bahay. Matatandaan na sinuspinde ng pamahalaan ng KSA ang pagproseso ng mga employment contract ng mga manggagawang Pinoy makaraang magreklamo at tutulan ng mga Saudi employer ang mga requirement na hinihingi ng POEA sa pagkuha ng serbisyo ng mga HSW. Sinabi ni Cabe na hiniling ng mga employer na alisin ang mga requirement na para sa kanila ay lumalabag sa kanilang privacy. Partikular dito ang mapa na nagtuturo sa lokasyon ng kanilang tirahan, at mga pangalan at litrato ng miyembro ng kanilang pamilya. Pero nilinaw ni Cabe na ang problemang inaayos ng dalawang pamahalaan ay tungkol lamang sa usapin ng employment contract para sa HSW. Hindi umano kasama rito ang ban sa pagkuha ng “domestic helper" na ipinatupad din ng KSA noong Hunyo 2011. Sinabi ng opisyal na inihinto ng KSA ang pagpapalabas ng mga bagong visa para sa mga DH bunga ng paninindigan ng Pilipinas na hindi dapat bumaba sa US$400 ang sahod ng mga Pinay DH. Ipapaubaya na lamang umano ng pamahalaan ng KSA sa kanilang mga mamamayan ang pagpapasya kung kaya nilang magbayad ng US$400 para kumuha ng Pinay DH. “Tulad sa mga bumibili ng goods and services na iba-iba ang brand, kung gusto nila ng mababa ang sahod ng housemaid ay ibang lahi ang kanilang kunin. Kung gusto nila ng Pilipino dahil meron skill at language training, maganda ang serbisyong maibibigay, karapat dapat lamang na mataas ang sahod na ibigay sa ating mga kababayan," pahayag ni Cabe. Ikinatuwa naman ni Eric Jocson, chairman ng Kapatiran sa Gitnang Silangan (KGS-Migrante) sa Riyadh, ang positibong resulta sa napipintong pag-alis sa suspensiyon na ipinataw ng KSA sa HSW. Malaking tulong umano ito sa mga Pinoy para mabigyan muli ng pagkakataon na makapagtrabaho sa Saudi Arabia. Gayunman, nanawagan siya na kailangan siguruhin pa rin ng gobyerno ng Pilipinas na mapoprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa at masusunod ang laman ng kontrata na kanilang pinipirmahan. - Ronald Concha/ FRJ, GMA News