PNoy bibisitahin ang mga biktima ng lindol sa kanyang kaarawan
Sa kanyang ika-52 kaarawan ngayong Miyerkules, bibisita si Pangulong Benigno Aquino III sa Dumaguete City upang personal na tumulong sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng magnitude-6.9 na lindol doon. Sa isang press statement nitong Martes, sinabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda na bibisita si Aquino sa nasabing lungsod upang suriin na rin ang pinsalang dulot ng lindol. “He will inspect damaged areas and meet with our countrymen affected by the calamity, as well as with the government workers who are providing much needed relief operations on the ground,” ani Lacierda. Aniya, simula nang maganap ang lindol nitong Lunes ng umaga, patuloy na mino-monitor ni Aquino ang sitwasyon. Ayon sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 22 na ang kumpirmadong patay habang 71 pa ang nawawala sa lindol. Inaasahang aabot ng mahigit 50 ang bilang ng namatay sa nasabing trahedya. Maliban sa Dumaguete City, apektado rin ng lindol ang Iloilo at Cebu. Tiniyak ni Aquino ang patuloy na pagbibigay suporta ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa mga apektadong residente. Relief goods Limang helicopters na at isang seacraft mula sa Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard ang nagdadala ng relief goods sa mga apektadong lugar, ayon kay Lacierda. Bukod pa rito, namahagi na rin ang Department of Social Welfare and Development sa Region VII ng 2,000 family packs, 2,000 bote ng mineral water, kahun-kahon ng mga canned good, tents, mats, kumot at mosquito nets sa Negros Oriental. Ayon kay Lacierda, kasalakuyang nakikipag-ugnayan si Aquino kay Negros Oriental Rep. Jocelyn Lumkaichong tungkol sa pinsala dala sa kanyang distrito, kabilang ang Guihulngan City, at mga munisipalidad ng La Libertad, Tayasan, at Jimalalud. Ayon sa kanya, inayos na ni Limkaichong ang pagpapadala ng 400 bags ng bigas para sa mga residente mula sa National Food Authority Hinimok naman ni Lacierda ang mga mamamayan na magpadala ng donasyon tulad ng pagkain, tubig at mga damit sa mga apektadong lugar. Aniya, mayroong donation desk sa DSWD Field Office VII na matatagpuan sa M.J. Cuenco Avenue, Cebu Citu. Maaari aniyang tumawag sa (032) 232-1192. “The President continues to appeal for citizens to cooperate with the authorities, and to keep in mind that public safety must be kept the highest priority,” aniya. “This is an unusual situation which calls for the utmost responsibility, particularly in disseminating information. It does no one any good to sensationalize the situation,” dagdag niya. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News