Tinangay na SUV sa Bulacan, inabandona sa Pampanga
Natagpuan sa Bacolor, Pampanga ang Isuzu Altera na sapilitang tinangay ng mga armadong lalaki sa Meycauayan City, Bulacan noong nakaraang linggo. Sinabi ni Chief Inspector Edwin Romero, chief investigator ng Highway Patrol Group Region 3 (HPG-3), na nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa inabandonang sports utility vehicle (SUV) sa Brgy Calibutbot, Bacolor. Nang puntahan ang sasakyan, iba na ang nakalagay na plaka rito pero nag-start nang gamitin ang reserbang susi ng may-ari ng sasakyan. Hinihinala ng mga awtoridad na posibleng tinangay ang SUV para gamitin ng mga suspek sa ibang krimen tulad ng pagnanakaw o pagtutulak ng illegal na droga. Ito umano ang bagong istilo ng mga kriminal. Matatandaan na patungo sana sa ospital ang pamilya ni Jose Hortillosa sakay ng Isuzu Altera nang bigla silang harangin ng mga suspek na nakasuot ng police jacket at nakasakay sa isang bagong Starex van Tinutukan ng baril ang mga biktima at kasamang bumiyahe patungong Pampanga. Matapos makuha ang mga personal na gamit, iniwan ang mga biktima sa Mexico, Pampanga. Dalawa sa mga suspek ang kinilala na sina Rolando Tablan alyas Eduardo Fernandez at Ronald Santiago alyas “Onad," na miyembro umano ng Onad at Dominguez carjack groups. Bagaman hindi pa nahuhuli, sinampahan na ng kaso ang dalawa na inilarawan ng pulisya na lubhang mapanganib. - RRamos/ FRJ, GMA News