Belmonte, tutol sa ‘mass impeachment’ vs 8 mahistrado ng SC
Tutol si Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa mungkahi na ipa-impeach ang walong mahistrado ng Korte Suprema (SC) na bumoto para pigilin ang Senate Impeachment Court na mabuksan ang hinihinalang dollar (bank) accounts ni Chief Justice Renato Corona. Ayon kay Belmonte, ang mungkahi ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariňas, deputy lead prosecutor, na ipa-impeach ang mga mahistrado ay dala lamang ng pagkadismaya nito sa lumabas na desisyon ng SC. “He’s (Fariňas) just feeling frustrated. I would not support it (impeachment vs walong mahistrado) myself," anang lider ng Kamara ng mga Representante. Gayunman, sinabi ni Belmonte na nakikisimpatiya siya sa nararamdaman ng mga prosecutor na nabigong mapabuksan ang umanoy dollar accounts ni Corona sa Philippine Savings Bank (PSBank). Sa botong 8-5, nagpataw ang mga mahistrado ng SC ng temporary restraining order (TRO) sa pagbusisi ng Senado sa umano'y dollar accounts ni Corona. Ang walong mahistrado na bumoto para sa TRO ay sina Associate Justices Teresita Leonardo de Castro, Arturo Brion, Roberto Abad, Jose Perez, Lucas Bersamin, Martin Villarama, Bienvenido Reyes, at Jose Mendoza. Maging si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ay nagpahayag ng pagkadismaya sa naging desisyon ng SC. Dahil dito, hinamon ni Aquino ni Corona na kusang pabuksan ang kanyang dollar accounts kung wala naman itong itinatago. Aminado si Fariňas na hindi niya magagawa na ipa-impeach ang walong mahistrado kung hindi niya makukuha ang suporta ng liderato ng Kamara. “But if the (House) leadership refuses to pursue this, then I cannot do anything," ayon kay Fariňas. Nanindigan si Fariňas na ang ipinataw na TRO ng SC ay panghihimasok sa kapangyarihan ng Senado sa ilalim ng Saligang Batas na lumitis sa mga impeachable official. Nais naman ni Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares, miyembro ng prosekusyon, na huwag kilalanin ng Senado ang TRO ng SC sa dollar accounts. “I hope the Senate will not allow this attempt to hide the truth and persist in subpoena of information on these accounts. Aside from hiding the truth, he is setting the Supreme Court and the Senate Impeachment Court into a collision course which could lead to turmoil," ayon sa kongresista. - RP/FRJ, GMA News