Hinihinalang illegal recruiter, huli sa entrapment ops sa Cebu
Isang babae ang dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Cebu matapos siyang ireklamo ng mga taong pinangakuan niya ng trabaho sa ibang bansa. Sa ulat ng GMA News TV’s Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing nahuli sa entrapment operation ng NBI si Ma. Ludina Cania – Ceniza. Ginagamit umano ni Ceniza sa illegal recruitment ang pinamumunuan niyang international consultancy firm na Worldwide Academy of Tourism and Hospitality. Reklamo ng 19 katao na umano’y nabiktima ni Ceniza, hiningan sila ng suspek ng tig-P36,000 para sa processing at placement fee upang makapagtrabaho sila sa Qatar. Ilan umano sa mga biktima ay napilitan pang magbenta ng kanilang lupa at mga alagang kalabaw para may maipambayad kay Ceniza bilang placement fee. Huli na raw nang malaman nila na walang permit si Ceniza sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para mangalap ng trabaho sa abroad. Bukod kay Ceniza, dinakip din ng mga awtoridad ang kanyang anak at mga tauhan sa kumpanya. Hindi naman nagbigay ng pahayag ang suspek, habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga dinakip. – FRJ, GMA News